MANILA, Philippines — Iginiit ng Ateneo de Manila University Office of College Athletics (OCA) na wala itong naging papel sa pag-oorganisa o pag-apruba sa team-building activity ng men’s basketball team sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8 na nauwi sa pagkamatay sa pagkalunod ng mga manlalarong sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Sa isinagawang town hall meeting sa Katipunan campus, sinabi ni OCA representative Benjo Afuang na hindi kailanman dinala sa kanilang tanggapan ang aktibidad para sa pag-apruba sa kabila ng mga tanong hinggil sa pagsunod nito sa safety at consent protocols para sa mga off-campus activities.
“What was the role of the university athletics in approving the team-building? The answer is none… It was asked if the university athletics knew about it, if it was brought to them, and if they [sought] approval. The answer is no,” ani Afuang.
Samantala, nilinaw ni Ateneo de Manila University President Fr. Bobby Yap, SJ na ang Blue Eagles basketball team ay pagmamay-ari at pinamamahalaan pa rin ng Ateneo.
“So MVP (Manuel V. Pangilinan), the foundation supports it like as a patron but it’s owned by Ateneo,” ani Yap.
Ito ay matapos sabihin ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na nakatanggap ito ng impormasyon na umano’y nagsasarili ang operasyon ng koponan at pinatatakbo ng isang foundation na kaugnay ng Smart Communications.
Nilinaw naman ng MVP Sports Foundation na nakatuon lamang ito sa pagbibigay ng pondo at hindi saklaw ang pamamahala, recruitment, coaching, o player development ng koponan.
Kinumpirma rin ni Yap na nakatanggap siya ng subpoena at haharap sa mga imbestigador sa Biyernes. Aniya, hihintayin muna ng unibersidad ang resulta ng independent fact-finding body bago magpasya sa posibleng disciplinary action laban sa mga opisyal.
Nauna nang tinanggap ng Ateneo ang pagbibitiw nina Blue Eagles head coach Tab Baldwin at team manager Epok Quimpo.
Nang tanungin kung dapat ba siyang bumaba sa puwesto bilang pangulo ng unibersidad kasunod ng trahedya, sinabi ni Yap na hindi pa niya ito nabibigyang pagninilay dahil nakatuon pa ang kanilang atensyon sa pagtulong sa mga pamilya nina Baterbonia at Adili at sa mga nakaligtas na manlalaro.
“Right now, Divine’s body is still here, we’re still dealing with the Baterbonias, we’re still helping, we’ve been talking to the Adili family… I talked to my provincial, I followed his order. At a certain point, I will face that question, but what I’m saying is I can’t make that dramatic move now because there are so many things going on,” aniya.
Humingi rin ng paumanhin si Yap sa naging paraan ng komunikasyon ng unibersidad sa panahon ng krisis at inaming mas nakatuon sila sa pagbibigay ng suporta at tulong kaysa sa pagpapaliwanag sa publiko.
“In hindsight, this was mali… Hindi lang dapat pastoral (care) kasi ang lakas ng social media. Yun pala kailangan sinusuri din natin yan, yung communication, etc,” dagdag niya. Dave Baluyot