Home METRO Tenants ng condo nabulabog sa bomb text

Tenants ng condo nabulabog sa bomb text

MANILA, Philippines- Nabulabog ang tenants ng isang condomimium makaraang makatanggap ng bomb threat sa pamamagitan ng text message ang operation manager ng gusali nitong Huwebes ng umaga sa San Andres, Malate, Manila.

Sa ulat mula sa MPD-Station 5, nakatanggap ng mensahe ang may-ari ng Marc 2000 Tower na si Ericson Marquez y Mendoza mula sa numerong 09948259658.

Nakasaad sa naturang text message ang bantang: “Exactly 12 noon magaganap ang malakas na pagsabog sa opis nyo.”

Nang matanggap ni Marquez ang mensahe, ipinagbigay-alam ito kay Yvonne Diane Matos, operation officer, na siyang nag-report sa head security na si Kurt Ryu Besana.

Hinalughog naman ni Besana ang lahat ng mga sasakyan na nakaparada sa parking area at sa permiso ni Marquez at Matos ay inanunsyo ang paglikas ng mga tenant at empleyado ng nasabing gusali.

Dumating naman ang mga tauhan ng MPD- District Explosive and Canine Unit sa lugar upang nagsagawa ng bomb search kasama ang K9 sa lahat ng palapag ng nasabing gusali.

Gayunman, tinapos ang bomb serach bandang tanghali matapos mag-negatibo sa isinagawang paghalughog sa nasabing gusali. Jocelyn Tabangcura-Domenden