Home NATIONWIDE DOH sa publiko: Magpabakuna vs pertussis

DOH sa publiko: Magpabakuna vs pertussis

MANILA, Philippines- Binanggit ni Department of Health Secretary Teodoro Herbosa ang kritikal na pangangailangan para sa pagbabakuna laban sa pertussis na isang “preventable disease.”

Sinabi ni Herbosa sa press conference, sa 394 pertussis cases, 70 porsyento ang unvaccinated kaya nagkaroon ng pertussis.

Binigyang-diin ni Herbosa ang bisa ng pagbabakuna, na binanggit na maraming local government units (LGUs) ang nagtala ng zero o minimal na kaso ng pertussis noong nakaraang taon dahil sa komprehensibong pagsisikap sa pagbabakuna.

Gayunman, nagbabala ang kalihim ukol sa trend kung saan habang bumababa ang kabuuang bilang ng kaso, tumataas ang proporsyon ng mga hindi nababakunahang bata na humahantong sa muling pagkabuhay ng mga impeksyon sa pertussis.

Ang kalubhaan ng sitwasyon ay binigyang-diin sa statistics na ibinahagi ni Herbosa na nagpapakita na mula Enero hanggang Marso lamang, iniulat ng DOH na 1,112 pertussis cases ang nagresulta ng 54 pagkamatay.

Lumabas naman na ang Region IV-A ay isang hotspot para sa mga kaso ng pertussis na may 233 naiulat na mga kaso.

Iniugnay niya ang mas mataas na case fatality rate na anim na porsyento sa rehiyong ito sa tindi ng outbreak.

Binanggit din ni Herbosa na ilang rehiyon kabilang ang Eastern Visayas, Region VII, Cagayan Valley, CARAGA, Northern Mindanao, Central Luzon at ang Cordillera Automous Region ang nakapag-ulat ng pertussis sa nakaraang mga linggo na may 7 porsyento ng apektadong indibidwal na nasa limang taon pababa.

Sinabi ni Herbosa na prayoridad na mabakunahan ang mga bata at binigyang-diin ang kritikal na papel ng pagbabakuna sa pagpigil sa karagdagang pagkalat at hindi kinakailangang pagkamatay. Jocelyn Tabangcura-Domenden