MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Transportation o DOTr na suspendido muna sa loob ng tatlong buwan ang paniningil ng terminal fees sa mga public utility vehicle (PUV) na gumagamit ng Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX simula Mayo 18, 2026.
Ayon sa DOTr, aabot sa humigit-kumulang P5 milyon ang matitipid ng mga operator dahil sa hakbang na ito.
Saklaw ng libreng terminal fees ang provincial buses, city buses, modern at traditional jeepneys, UV Express, at mga taxi.
Batay sa PITX fee matrix, nagbabayad ng hindi bababa sa P100 kada onboarding ang provincial buses, P20 naman ang UV Express, habang P10 ang modern at traditional jeepneys at taxi.
Posible ring mapalawig ang tatlong buwang moratorium depende sa magiging assessment ng DOTr.
Sinabi ng ahensya na bahagi ito ng direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. upang mabawasan ang pasanin ng mga motorista at commuter sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng krisis sa Middle East.
“Ang kabilin-bilinan sa atin ng Pangulo, patuloy nating tulungan ang ating mga kasamahang PUV operator at driver. Itong inisyatibong ito ay malaking tulong sa kanila dahil makakatipid sila sa terminal fees na pwede nilang gamiting pangkarga ng krudo o gamitin sa ano mang gastusin nila,” ayon kay Giovanni Lopez. RNT/MND