Home NATIONWIDE Teves haharap sa korte sa arraignment at pre-trial

Teves haharap sa korte sa arraignment at pre-trial

MANILA, Philippines – Inaasahang haharap sa korte si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr sa gaganaping arraignment at pre-trial matapos ipag-utos ng Manila Regional Trial Court Branch 12.

Gaganapin ang arraignment at pre-trial sa Hunyo 30, 2025 sa ganap na alas-8:30 ng umaga.

Batay sa kautusang inilabas ni Presiding Judge REnato Enciso, kinilala ang pag-aresto kay Teves noong Mayo 29 ng mga tauhan ng NBI Cybercrime Division at Special Task Force.

Inutusan din ng korte ang NBI na iharap ang akusado sa petsa ng pagdinig.

Pinahaharap din ng korte ang testigong si Luciana Pialago Bato mula sa Siaton, Negros Oriental sa pagdinig sa parehong petsa.

Nahaharap sa kasong murder si Teves kasama ang ilan pang akusado na naganap noong 2019 kung saan kabilang din dito ang nangyaring pananambang sa dating ahente ng NBI.

Nakatakda namang maghain ng motion to defer all scheduled proceedings ang kampo ng dating mambabatas dahil patuloy pang nagpapagaling matapos siyang operahan.

Si Teves ay pansamantalang nakakulong sa BJMP Bicutan, Taguig City. Jocelyn Tabangcura-Domenden