Home NATIONWIDE P309M sa pagtatayo ng Child Development Centers sa mga barangay ilalabas ng...

P309M sa pagtatayo ng Child Development Centers sa mga barangay ilalabas ng DBM

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas ng P309 milyon para sa pagtatayo ng Child Development Centers (CDCs) sa pamamagitan ng multi-purpose building (MPB) projects sa iba’t ibang barangay sa bansa.

Sa kalatas, sinabi ng DBM na inaprubahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang paglalabas ng pondo sa ilalim ng Local Government Support Fund – Financial Assistance to LGUs (LGSF-FA to LGUs) sa 2025 national budget.

Sinusundan ng paglalabas na ito ang panuntunan na itinakda ng DBM at Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng Joint Circular 2 na inisyu noong Abril.

“This is part of our continuing support for Child Development Centers, aimed at giving our children a fair start even before they step into classrooms,” ani Pangandaman.

Sa ilalim ng programa, dapat maglaan ang mga LGU ng 150 square meters ng lupain, pumirma ng memorandum of agreement (MOA) kasama ang Early Childhood Care and Development (ECCD) Council, at magkaroon ng operational responsibilities upang masiguro ang long-term viability ng mga CDC.

Ayon pa sa DBM, patuloy itong makikipagtulungan sa DepEd, DILG, at ECCD Council, maging sa mga lokal na pamahalaan upang i-monitor ang implementasyon at paghahatid ng mga resulta sa community level.

Dagdag pa, target na makinabang sa inisyatibo ang 328 low-income LGUs, kung saan 89 ang sa Luzon, 106 sa Visayas, at 133 sa Mindanao, kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). RNT/JGC