Home NATIONWIDE Personality disorder maaaring basehan sa pagpapawalang-bisa ng kasal

Personality disorder maaaring basehan sa pagpapawalang-bisa ng kasal

(c) Remate File Photo

MANILA, Philippines – Ang kawalan ng kakayahan ng isang asawa na mahalin ang kabiyak o magkaroon ng emosyonal na koneksyon sa kanya dahil sa personality disorder ay maaaring ituring na ebidensya ng psychological incapacity at maging batayan para ideklarang walang bisa ang kasal.

Ito ang nakasaad sa desisyon ng Supreme Court 2nd division kung saan kinatigan ang naunang pasya ng Regional Trial Court (RTC) na nagdeklarang walang bisa ang kasal ng mag-asawa dahil sa psychological incapacity ng lalaki na gampanan ang kanyang mga tungkulin bilang asawa.

Sa rekord ng kaso, nagkakilala ang mag-asawa noong 1999 at palihim na nagpakasal noong 2002. Hindi sila agad nagsama dahil nagtrabaho ang lalaki sa Saudi Arabia.

Kinasal sila sa simbahan noong 2004 nang umuwi ang lalaki pero umalis ulit ito sa Pilipinas.

Bumalik sa bansa ang lalaki noong 2005 at silang mag-asawa ay nagsama paminsan-minsan at nagkaroon ng dalawang anak — isang lalaki noong 2007 at babae noong 2012.

Nagsama lamang sila ng halos limang taon at ang pagsasama ay puno ng paulit-ulit na pagtatalo at hiwalayan.

Noong 2016, nagsampa ng petisyon ang lalaki para mapawalang-bisa ang kasal. Nagsumite sya ng diagnosis ng isang psychologist tungkol sa kanyang Passive-Aggressive Personality Disorder na naging dahilan para mahirapan siyang mapanatili ang kanyang malalapit na relasyon.

Pinagbigyan ng RTC ang petisyon pero binaliktad nito ang naging desisyon matapos umalma ang Office of the Solicitor General dahil sa due process. Kalanaunan ay isinantabi ng Court of Appeals ang apela ng asawa.

Pero nagpasya ang Korte Suprema pabor sa lalaki at sinabing napatunayan nito ang kanyang psychological incapacity.

Sa ilalim ng Article 36 ng Family Code, ang kasal ay walang bisa kung ang isa o parehong mag-asawa ay hindi kayang gampanan pyschologically ang kanilang mga tungkulin sa pag-aasawa kahit pa ang kundisyon na ito ay lumantad lang pagkatapos ng kasal.

Ang kawalan ng kakayahang magmahal ay dapat na malalim na nakaugat sa karakter ng tao at dapat na umiiral bago pa ang kasal.

Sa kasong ito, sinabi ng Korte na ang emotional detachment ng lalaki ay dahil sa strikto at emotionally distant na pagpapalaki.

Bagamat kaya niyang tustusan ang kanyang pamilya, nahirapan siyang tugunan ang emosyonal na mga pangangailangan ng kanyang asawa. TERESA TAVARES