Home NATIONWIDE Text scams kumonti sa POGO ban – PAOCC

Text scams kumonti sa POGO ban – PAOCC

MAS kumonti na ang mga text scam matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagba-ban sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa.

“Magmula po noong bi-nan ng Presidente, ang laki ng binagsak po ng mga nare-receive nating text scams,” ang sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio.

Simula nang I-ban na ang mga POGOs, sinabi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na bumaba na rin ang bilang ng mga reklamo ng mga consumer.

“Tahimik ‘yung mga phones natin for scam na promos, iba’t ibang uri ng promos,” ayonnaman kay DICT spokesperson Aboy Paraiso.

Ayon naman sa PAOCC, ang mga SIMs na ginamit sa text scams at harassment gaya ng online ‘pautang’ o loans ay galling mula sa POGO hubs.

“Alam nila nagsasara na yung mga POGO, yun ang source nila ng mga pre-registered SIM cards. Sila yung mga may makina na that registers the SIM na may fake identity. Pag binenta sa ‘yo ah registered na eh. Ang singilan dyan P500 isa na may fake identities,” ang sinabi ni PAOCC Usec Gilbert Cruz.

Aniya pa rin, bumibili ang POGOs ng unregistered SIMs mula sa legal telecommunications (telcos) companies dahil hindi naman naka-monitor ang rehistrasyon nito.

Sa ilalim ng RA 11934 o SIM Card Registration Act, ang ‘end user’ ay dapat na nire-rehistro ang number ng kanilang SIM card.

Ang probisyon ng batas ayon sa PAOCC ay hindi garantiya na ang isang nag-rehistro ng SIM ay totoong tao.

“it will audit the telcos’ SIM registration process to assess if it is effective to avoid fake registrations,” ayon sa DICT.

At bilang tugon naman sa mga ilegal na aktibidad, ipinag-utos naman ni DICT Secretary Ivan John Uy ang pagbuo ng SIM Card Registration Annual Audit Task Force.

Ibeberipika ng task force ang registered SIM users gamit ang National ID system.

Para naman sa Globe Telecom, ang kanilang SIMs ay mananatiling deactivated hanggang sa na-register at naberipika ito. Magagamit lamang ito matapos ang matagumpay na beripikasyon.

Tinuran ng Globe na susunod sila sa pag-audit ng DICT lalo pa’t ito naman ang nakasaad sa batas.

Winika naman ng DITO Telecommunity na pabor ito sa audit lalo pa’t makatutulong ito sa mga Filipino.

Sinabi ng DITO na mayroon itong sariling app na magba- block sa mahigit 19,000 fake accounts, at mayroon din itong 14 million na ‘successful registrants.’

Samantala, sinabi naman ng Smart Communications na pini- filter nito ang mga fake accounts at bina- validate ang mga SIM registrations.

Giit ng Smart na sumusunod ang kompanya sa itinakdang alituntunin ng National Telecommunications Commission para tukuyin ang pekeng pagkakakilanlan. Kris Jose