ANG pagkukunwari at kasaysayan ng korapsyon sa loob ng PhilHealth, na pinalala pa ng labis na pagbabayad, pagre-reimburse ng mga serbisyong gawa-gawa lang, at “upcasing” noon ng mga sakit ay nagpapakita sa kalakaran ng malalimang katiwalian sa korporasyon sa panahon ng administrasyong Duterte.
Ang pinakamatindi sa mga panlolokong ito ay ang kuwentong pinapaniwala sa mga manggagawang Pilipino, na kung hindi madaragdagan ang premium rates, magsasara ang PhilHealth pagsapit ng 2027. Isa itong paraan ng pananakot na ikinabahala rin talaga ng milyun-milyong umaasa sa nasabing pondo para sa seguridad ng kanilang kalusugan.
Pero ano ba talaga ang nangyayari? Sa likod ng mga kaguluhang ito, sinasaid ng isang sistematikong katiwalian ang bilyun-bilyong pisong pondo ng korporasyon, kaya naman ang mga miyembro nito, papasanin na lang ang mga problema nang pagbuwag ng sistema habang ang mga opisyal nito ay nagtatabaan ang mga bulsa.
Masasabing may kaginhawahang nadama nang pumasok sa eksena si Marcos Junior. Pinagtibay ng kanyang administrasyon ang pagpapaliban sa dagdag-kontribusyon, idinahilan ang problema sa ekonomiya na dulot ng pandemya. Ang hakbanging ito ay mistulang nagbigay ng tuldok sa mga mapang-aping polisiya ng nakaraang administrasyon.
Gayunman, sa likod ng maituturing na mapagmalasakit sa desisyong ito ay isang mas kalkuladong galawan.
Lumalabas ngayon na ang pagpapaliban na ito ay hindi para maibsan ang kalbaryong pinansiyal ng mga Pilipino kundi tungkol sa pagkukubli sa tunay na intensiyon ng gobyerno: ang gamitin ang pondo ng PhilHealth.
Malinaw na pagkaraan ng nakalipas na taon, nakakolekta ang PhilHealth ng halos P90 bilyon ng hindi nagamit na subsidiya ng gobyerno — halagang dapat na ibinalik sa kaban para gamitin sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan, pagpapalawak ng coverage, o pagbabawas sa aktuwal na gastusin sa pagpapagamot ng mga miyembro nito.
Sa halip, ang bilyun-bilyong piso na ito ay naging kaakit-akit na target para makakalap ng pondo para sa unprogrammed appropriations — o mga gastusing hindi inaprubahan ng Kongreso at posibleng gamitin para punan ang fiscal gaps sa pambansang budget.
Hindi nagkataon lamang ang interes ng administrasyong Marcos sa mga pondong ito. Dahil sa tumitinding pagkahumaling sa unprogrammed appropriations at sa harap ng pinakaaabangang Maharlika fund, maliwanag na ang naimbak na pondo ng PhilHealth ay pinupuntirya bilang kumbinyenteng gatasan ng pera, handang gastusin para sa mga dahilang walang kaugnayan sa pangangalagang pangkalusugan.
Hindi ito tungkol sa pagpapabuti ng kalusugan ng publiko; usapin ito ng financial engineering na nakatuon nang higit sa kapakanan ng mga political power brokers kaysa ikabubuti ng milyun-milyong Pilipino.
Sa larong ito ng fiscal sleight-of-hand, ang tunay na talo ay ang mga ordinaryong mamamayan na buong tapat na regular na nag-aambag sa PhilHealth, para madiskubre lang sa huli na delikadong mapagsamantalahan ang kanilang safety net alang-alang sa pagsusulong ng interes sa pulitika.
Malinaw na maaari nating isisi ang paglutang ng mga isyung ito mula sa hanay ng pinakamatataas sa gobyerno na hindi na pinagtitiwalaan ng publiko at maituturing na banta sa pagpapanatili ng pondo. Ang maling pangangasiwa rito ay may direktang epekto sa kalidad ng serbisyong pangkalusugan na ipinagkakaloob sa mga Pilipino, dahil ang mga pondo na dapat ay nagdadagdag o nagpapalawak ng mga benepisyo ay nauubos lamang sa korapsyon.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).