BANGKOK, Thailand – Nagkasundo ang Thailand at Cambodia ng isang “immediate” ceasefire noong Sabado, Disyembre 27, 2025, upang wakasan ang tatlong linggong bakbakan sa border na ikinamatay ng hindi bababa sa 47 tao at nagdulot ng higit isang milyong lumikas, ayon sa opisyal na tala.
Ayon sa joint statement na pirmado ng defense ministers ng parehong bansa sa Thai border checkpoint, epektibo ang tigil-putukan mula alas-12 ng tanghali at sumasaklaw sa lahat ng uri ng armas, kabilang ang pag-atake sa sibilyan, imprastruktura, at military objectives.
Pinayagang makabalik sa kanilang tahanan ang mga sibilyan sa border area at ipinasara ang lahat ng troop movements.
Kasama rin sa kasunduan ang pagtutulungan sa demining at cybercrime, habang ipapabalik ng Thailand ang 18 na nahuling Cambodian soldiers sa loob ng 72 oras.
Ayon kay Thai Defense Minister Nattaphon Narkphanit, ang unang tatlong araw ay magsisilbing observation period upang tiyakin ang tunay na ceasefire.
Ang hidwaan ay nag-ugat sa teritoryal na pagtatalo sa 800-kilometro na border, kung saan parehong inaangkin ng dalawang bansa ang ilang sinaunang templo.
Lumala ang bakbakan kamakailan, na nagdulot ng pagkamatay ng 25 Thai soldiers, isang Thai civilian, at 21 Cambodian civilians.
Bagaman nagkasundo sa tigil-putukan, kailangan pa ring resolbahin ang demarcation ng border at ang pag-aangkin sa mga templo.
Inihayag ni Thai Prime Minister Anutin Charnvirakul ang pag-asa na ito na ang magiging “final signing” upang maibalik ang kapayapaan at makabalik ang mga tao sa kanilang tahanan.
Ang Thailand ay nakatakdang magsagawa ng general elections sa Pebrero 8, 2026. RNT/MND