BACOLOD CITY — Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng mangyari ang “Big One” earthquakes na may magnitude 7.9 hanggang 8.2 kahit sa labas ng National Capital Region.
Ani PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol, nakatuon ang paghahanda sa kabisera, ngunit may iba pang fault lines na may malalaking panganib. Binanggit niya ang Philippine Fault sa Nueva Ecija, na posibleng magdulot ng magnitude 7.9 na lindol at tsunami hanggang 9–10 metro, at ang 400-kilometrong Negros Trench na maaaring maglabas ng magnitude 8.2 na lindol. “Nakafocus tayo sa Metro Manila because it’s the political seat of the government, it’s the economic hub of the country, but nakakalimutan natin that there are bigger ones in other parts of the country,” ani Bacolcol.
Hinimok niya ang lahat ng Pilipino na maghanda, at idinagdag: “The world doesn’t revolve around the West Valley Fault… all Filipinos should prepare because it’s not just Metro Manila that can have these big earthquakes.”
Linaw ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. na scenario lamang ang data, hindi prediksyon, at nakapaloob sa mga earthquake drills at preparedness maps ang iba’t ibang lungsod sa bansa. “Kung di ka taga Metro Manila, paghandaan mo yung lugar mo,” dagdag niya.
Ang “Big One” sa Metro Manila, na inaasahang magnitude 7.2 o mas malakas pa sa West Valley Fault, ay maaaring magresulta sa humigit-kumulang 5,000 na pagkamatay. Binanggit ng PHIVOLCS na walang koneksyon ang mga malalakas na lindol sa Cebu at Davao Oriental sa galaw ng West Valley Fault.
Plano ng Japan at Pilipinas na repasuhin ang disaster plans para sa “Big One” sa 2026. Santi Celario