Home METRO Theme park-inspired 4PH project, itatayo sa M’danao

Theme park-inspired 4PH project, itatayo sa M’danao

MANILA, Philippines- Isang theme park-inspired housing project sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang itatayo ngayon sa lalawigan ng Misamis Oriental.

Sa katunayan, si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar, kasama ang iba pang mahahalagang DHSUD at Social Housing Finance Corporation (SHFC) officials ay personal na ininspeksyon ang Valley View Township sa Barangay Sta. Ana, bayan ng Tagoloan, araw ng Huwebes.

Ang proyekto, binubuo ng 12-story buildings na may commercial shops, naglalayong bigyan ng kapakinabangan ang mahigit sa 10,000 pamilya.

“This will be our model township Pambansang Pabahay (national housing) project here in Mindanao. It has a nice, theme-park look open park with green and mountain scenery around,” ayon kay Acuzar.

“Sa ganda ng lugar, sigurado akong magiging inspirado at mas produktibo ang ating mga beneficiaries dito sa Valley View,” dagdag na wika nito.

Sa ilalim ng 4PH, aprubado ni Acuzar ang alokasyon ng substantial open spaces para sa parks, playgrounds at iba pang common amenities.

“Sa open parks lang nagkakapantay-pantay ang ating mga kababayan mahirap man o mayaman,” ayon kay Acuzar.

Ang Valley View Township project ay ipinatupad ng SHFC, sa pamumuno ni President at CEO Federico Laxa. Pinangangasiwaan ni SHFC Vice President for Visayas and Mindanao, Engr. Felman Gilbang.

Sa naging pagbisita ni Acuzar sa Mindanao, ininspeksyon din nito ang ikalawang 4PH project na kasalukuyang itinatayo sa Tagoloan kung saan nagdaos ng ground breaking noong nakaraang buwan.

Kasama ni Acuzar sina Undersecretary Avelino Tolentino III, Strategic Communications and Public Affairs Service Director Mario Mallari at DHSUD Regional Office 10 Director Ariel Abragan. Kris Jose