IBA na talaga ang panahon natin ngayon. Dahil sa social media, nag-level up na ang tsismisan, palitan ng mga kuro-kuro, ‘pagpe-flex’ at usaping pulitikal o pangkomunidad na minsan pa nga ay nauuwi sa bangayan. Dati-rati, sapat na ang pangangapit-bahay, umpukan sa sari-sari store, barberya, bilyaran, palengke, club house ng subdibisyon at iba pang venue para mag-‘Marites’, he-he-he!
‘High-tech’ na ngayon ang pagpapakalat ng anomang balita at tsismis sa pamamagitan ng pag-post sa Facebook, YouTube, TikTok, at iba pang social media platforms. Sa ilang pindot lang ay pupwede ka nang maging blogger o vlogger.
Advantageous talaga ang digital world, kasi nga naman mas mabilis naipararating ang impormasyon maliban sa maaari din itong maging source of income at oportunidad para mas lalong dumami ang ‘views’ at makilala.
May disadvantages din ang pagiging agresibo sa posting kapag ginawang prayoridad ang pagiging viral nito kaysa pagiging factual. Maaari tayong maging kasangkapan sa pagkalat ng fake news, misinformation, at disinformation.
Ang post na naglalaman ng maling impormasyon ay makasisira sa reputasyon ng isang tao, negosyo, o organisasyon. Napakadelikado kung may content ito na nakikitaan ng paglabag sa pinaiiral na batas na may kaugnayan sa cyberbullying, harassment, copyright, plagiarism at data privacy.
Hindi lahat ng content ay kailangang i-post agad. Hindi naman masama ang intensyong makakuha ng maraming views, likes, shares, at followers. Ang problema ay kung may nilalabag kang batas dahil sa irresponsible posting. Maliban sa kasong kakaharapin, magdudulot din ito ng kahihiyan at kawalang tiwala ng active audience at followers.
Ang freedom of expression ay isang mahalagang karapatan, ngunit kaakibat nito ang accountability. Bilang bloggers, vloggers, journalists, o simpleng social media users, kailangan nating siguraduhin na ang ating mensahe ay accurate, fair, at may respeto sa karapatan ng iba.
Dear readers, hindi nasusukat ang tunay na influence sa dami ng followers o views, kundi sa credibility na nabubuo sa bawat post. Para sa ating proteksyon, bago pindutin ang “Post” o “Upload” sa anomang social media platform, tanungin muna ang sarili, “makakatulong ba ang aking post sa publiko o makadaragdag lang sa aking problema?”
∞∞∞
Para sa inyong komento o reaksyon, mag-email lamang sa .






