Home NATIONWIDE Tiangco nagbabala sa publiko vs love scams

Tiangco nagbabala sa publiko vs love scams

MANILA, Philippines – HINIMOK ni Navotas City Congressman Toby Tiangco ang publiko na manatiling mapagbantay laban sa “love scams.”

“Siyempre, sana all may love life pero ayaw natin na maloko lang ng pekeng pag-ibig ang mga kababayan natin. True love dapat ang mahanap nila, hindi kriminal,” pahayag ni Tiangco.

“Huwag po basta-basta magpadala sa damdamin. Hindi po sa lahat ng bagay, puso ang una nating paiiralin. Pinag-iingat natin ang mga kababayan natin dahil may mga masasamang-loob na patuloy na mananamantala kahit na alam nilang labag sa batas ang ginagawa nila.” dagdag niya.

Binanggit ni Tiangco ang isang pag-aaral mula sa isang pandaigdigang kumpanya ng impormasyon at mga insight na nagpapakita na, sa unang kalahati ng taon, 18 porsiyento ng suspected digital fraud attempts sa communities sector gaya ng mga online forum at dating site—ay nagmula sa Pilipinas.

“Nakakalungkot dahil marami pa ring nabibiktima ang ganitong modus na pinagsasamantalahan ang damdamin ng ating mga kababayan,” ani mambabatas.

“Scammers target even the most personal and basic aspirations of people – to be loved and be in a committed relationship. Let us protect Filipinos from the financial, emotional, and psychological damage these scams cause,” aniya.

Ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), ang love scams ay nagsasamantala sa mga biktima sa pamamagitan ng paglikha ng mga pekeng pagkakakilanlan upang bumuo ng tiwala, pagkatapos ay ginagamit ang ilusyon ng isang relasyon upang manipulahin, mangikil, o magnakaw mula sa kanila.

“Huwag po tayong ma-fall sa ganitong modus. Iwasan po nating maging marupok at huwag basta-basta ibigay ang tiwala,” paalala pa nito.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na manatiling mapagbantay at mag-ulat ng mga kahina-hinalang mensahe at aktibidad sa anti-scam hotline 1326. JOJO RABULAN