Home NATIONWIDE Tiangco sa isyu ng Small Committee: Kung walang itinatago, bakit takot sa...

Tiangco sa isyu ng Small Committee: Kung walang itinatago, bakit takot sa open session?

321
0

MANILA, Philippines – NAGLABAS ng pahayag si Navotas Representative Toby Tiangco kaugnay ng isyu sa pagbuo ng Small Committee at ang usapin ng budget transparency, kasunod ng tanong ng tagapagsalita ni House Speaker Martin Romualdez: “Bakit ngayon ka lang nagsalita tungkol sa Small Committee sa budget?”

“Sinubukan ko na ’yan noong una akong pumasok sa Kongreso, pero hindi umubra. Ngayong malinaw na ang panawagan ni President Bongbong Marcos sa SONA — transparency, lalo na sa budget — baka ngayon ay may pag-asa na,” sagot ni Tiangco.

Ayon sa tagapagsalita ni Speaker Romualdez, sinusuportahan din nila ang open bicam discussions. Ngunit giit ni Tiangco, siya ang naghain ng mosyon na ang individual amendments ay talakayin sa plenary at hindi sa Small Committee.

Ipinaliwanag ni Tiangco na may dalawang yugto kung kailan pumapasok ang mga budget amendment: una sa Small Committee, at pangalawa sa bicameral conference committee (bicam).

Bilang patunay, binanggit niya ang nakasaad sa Section 56 ng House Rules on Amendments:

“After the close of debate, the House shall proceed to the consideration of committee amendments subject to the five-minute rule… After the committee amendments, individual amendments shall be considered and shall likewise be subject to the five-minute rule…”

“Ibig sabihin, base mismo sa aming House Rules, ang individual amendments ay dapat ginagawa sa plenary session. Pero sa lahat ng nakaraang budget deliberations, ang mayorya ang naghahain ng mosyon para amyendahan ang rules at bumuo ng Small Committee na binubuo lang ng apat na tao. At tanging sa General Appropriations Bill lang ginagawa ito — sa ibang batas, walang Small Committee,” ani Tiangco.

Nilinaw din niya na hindi lahat ng amendment ay masama. “May mga amendment na makatutulong para mapabuti ang batas. Pero ang problema, sa Small Committee nangyayari ang budget insertions — at ito ay isang anyo ng amendment. Kung wala namang tinatago, bakit takot silang pag-usapan ito sa plenaryo, nang lantaran?”

“Ang matatakot lang sa public discussion ng individual amendments ay ’yung may itinatago. Kung maganda ang intensyon, bakit hindi nila gawin ito sa harap ng taumbayan?” dagdag pa niya.

Binatikos din ni Tiangco ang proseso: “Halos isang buwan pinagtatalunan ang budget, pero bakit apat na tao lang sa Small Committee ang magdedesisyon sa amendments, at sa tagong paraan pa? Sila na lang ba ang Kongreso?”

Aniya, kung tunay ang paninindigan sa transparency, dapat i-post sa website ng House of Representatives ang minutes ng Small Committee sa 2025 Budget.

“Kung walang minutes, anong transparency ang sinasabi nila? At bakit pa nila ipagpapatuloy ito sa 2026 Budget? Anong klaseng proseso ito na hindi pwedeng i-review o makita ng publiko?” tanong pa niya.

“Gusto ba talaga nilang sundin ang panawagan ng Pangulo para sa reporma sa budget? O nagkukunwari lang sila?” pagtatapos ni Tiangco.

— JOJO RABULAN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here