TINIYAK ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) na mayroong sapat na pondo para tugunan ang implementasyon ng No Balance Billing (NBB) sa lahat ng mga ospital na pinatatakbo ng DOH sa buong bansa at hindi mapahiya si Pangulong Bongbong Marcos at ang buong Marcos administration.
Dumating sana ang pagkakataon, sa lalong madaling panahon, na maging ang mga pribadong ospital ay masakop na ng NBB kahit pa-isa-isa man lang sa bawat lalawigan o karagdagang 87 na ospital. Sa ganitong paraan, maaabot ang serbisyong pangkalusugan ng mga Filipino nasaan man sila sa Pilipinas.
Sa pagtingin ng inyong Agarang Serbisyo Lady ay maganda ang layunin ng NBB, isang ambisyosong hakbang tungo sa mas inclusive health care.
Subalit, mahalagang bantayan ang pagpapatupad nito, kung kakayanin ba ng limitado at naunang sistemang ospital, kung aalagaan ang kalidad na serbisyo, at kung paano mapapangalagaan ang balanse sa pagitan ng public at private healthcare. May pangangailangan rin para sa incremental expansion pati na rin support mechanisms para sa mga stakeholder kagaya ng private hospitals.
Nagsisikap ang pamahalaan na mapabuti ang sistemang pangkalusugan ng bansa. Maganda ito hakbang. Dahil bawat buhay ay mahalaga, at ang serbisyo sa kalusugan ay isang karapatang pantao.
At iyan ang kabuuan tungkol sa NBB na isang hakbang na puno ng pag-asa, pero hindi rin ligtas sa mga katanungan at mga agam-agam. Kung ito nga ba ay tunay na solusyon para sa mga nagkakasakit at walang pambayad sa ospital.
Sa mga panahong kailangan natin ng kasiguruhan, mahalaga na may tiwala tayo sa mga institusyong kagaya ng DOH at PHILHEALTH. At bilang inyong Agarang Serbisyo Lady, tungkulin ko pong iparating sa inyo ang mga makabuluhang reporma na tunay na nakaaapekto sa ating pang-araw-araw na buhay. Serbisyong totoo, tapat, at para sa bawat Filipino.






