Home OPINION BAYANIHAN ESTERO PROGRAM APRUBADO SA PALASYO

BAYANIHAN ESTERO PROGRAM APRUBADO SA PALASYO

207
0

SA gitna nang patuloy na paghahanap ng solusyon sa malalang problema sa baha, inilunsad ng Metro Manila Development Authority ang “Bayanihan Estero Program”—isang malawakang proyektong naglalayong linisin at ayusin ang mga lagusan ng tubig sa kalakhang Maynila.

Mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nanguna sa paglulunsad ng programa, na itinuturing na kritikal na tugon sa banta ng climate change at pagdalas ng malalakas na bagyo.

Sa ilalim ng programa sa pamumuno ni MMDA Chairman Atty. Don Artes, magiging kaagapay ng mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang mga civil society group sa paglilinis ng mga estero, kanal at ilog. Layunin ng proyekto na buwagin ang mga bara sa mga waterway at palakasin ang flood control infrastructure.

“Hindi na natin mapipigilan ang epekto ng climate change, kaya kailangang mag-adjust tayo,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Ang Bayanihan Estero Program ay simbolo ng sama-samang pagkilos—mula sa paglilinis ng estero hanggang sa paghahanda ng bawat barangay—para mapigilan ang pinsala ng baha.”

Tinukoy ng MMDA ang 23 pangunahing estero na unang tutugunan sa ilalim ng programa, na target na makumpleto bago matapos ang 2025. Kasunod nito, ang natitirang 273 waterways sa Metro Manila ay isasailalim din sa rehabilitasyon at regular na pagmomonitor.

Ayon kay Artes, “Ito ay hindi lamang pangako kundi action plan na may timeline. Sisiguraduhin namin na magiging modelo ang mga unang estero para sa susunod na phase.”

Binigyang-diin ng programa ang papel ng pakikipag-ugnayan sa komunidad para maiwasan ang anomang hinala ng korapsyon.

“Hindi ito proyektong pampulitika o pagkakakitaan ng iilan. Lahat ng hakbang ay transparent at kasama ang mamamayan,” dagdag ni Artes. Ang pagtutok sa partisipasyong bayan ay sinasalamin din sa mandato ng programa: ang bawat lungsod at barangay ay maglalaan ng volunteers at resources para sa tuloy-tuloy na maintenance.

Ipinunto ng MMDA na ang programa ay direktang pagtugon sa panawagan ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address na wakasan ang mga “imaginary” o papeles lamang na proyekto. Ang Bayanihan Estero Project ay nakaangkla sa mga teknikal na pag-aaral at datos mula sa DENR at DPWH, kabilang ang pagmamapa ng mga flood-prone areas at pag-upgrade ng pumping stations.

Habang pinupuri ang inisyatiba, hinimok din ng MMDA ang publiko na maging bahagi ng solusyon dahil ang tagumpay ng programa ay nakasalalay sa disiplina ng lahat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here