BAGUIO CITY, Philippines — Namahagi ng relief goods si Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Chief Operating Officer Mark Lapid sa tinatayang 500 residente ng Baguio City nitong Lunes.
Kasama si Baguio City Mayor Benjie Magalong, pinangunahan ni Lapid ang pamamahagi ng ayuda sa Baguio City Hall sa ilalim ng Lingkod Lapid Caravan.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang persons with disabilities (PWDs), pony boys o horse handlers, horseback riding tour guides, barangay tanod, massage therapists at mga vendor.
Ayon kay Lapid, siya ang naatasan ng kanilang pamilya na maghatid ng tulong sa mga residente ng Baguio at Benguet habang abala naman ang kanyang ama na si Sen. Lito Lapid sa relief operations para sa mga naapektuhan ng pagbaha sa Pampanga.
Sinabi ni Lapid na layunin nilang ipagpatuloy ang pagtulong sa mga komunidad na nangangailangan, lalo na sa panahon ng kalamidad.
Dumalo rin sa aktibidad sina Baguio City Councilor John Ray Mananeng, DSWD-Cordillera official Enrique Gascon Jr. at City Social Welfare and Development Officer Liza Bulayungan. RNT