MANILA, Philippines – Tumaas na sa 27 ang bilang ng nasawi dahil sa Super Typhoon Uwan, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense nitong Miyerkules.
Kabilang sa mga nasawi ay mula sa:
Ifugao – 9
Benguet – 4
Nueva Vizcaya – 3
Mountain Province – 3
Kalinga – 3
Catanduanes – 1
Capiz – 1
Samar – 1
Sulu – 1
‘Di pa tukoy na probinsya – 1
Dalawa ang nawawala sa Kalinga, habang 36 ang nasugatan sa iba’t ibang probinsya.
Apektado ng Uwan ang higit 3.5 milyong tao sa buong bansa, partikular sa rehiyon ng Bicol, Ilocos, at Eastern Visayas. Mahigit 623,000 katao ang nanatili sa evacuation centers, at halos 300,000 sa iba pang pansamantalang tirahan.
Nagdulot ng matinding pinsala ang baha, landslide, storm surge, at mga insidente sa dagat. Mahigit 41,000 bahay ang nasira, at umabot sa P126.6 milyon ang pinsala sa imprastruktura. Maraming kalsada, tulay, at pantalan ang hindi pa magagamit, at nanatili rin ang pagkawala ng kuryente at tubig sa ilang lugar.
Sa kasalukuyan, mahigit P200 milyon ang naipamahaging tulong ng gobyerno sa mga biktima, habang suspindido ang klase at trabaho sa ilang lugar habang nagpapatuloy ang rehabilitasyon. Santi Celario