ILOILO CITY – Karumal-dumal ang sinapit ng batang babae matapos matagpuan ang bangkay nito sa loob ng sako at ginahasa muna ng hindi pa kilalang suspek bago pinatay sa sakal, iniulat kahapon sa bayan ng Lambunao.
Ayon kay Captain Jose Winston Biadog, hepe ng Lambunao Municipal Police Station, natagpuan ang 7-anyos na biktima sa loob ng banyo ng kanilang bahay sa Barangay Tampucao, bandang 11:43 ng tanghali noong Nobyembre 8, 2025.
Sinabi ni Biadog na nagpositibo sa sexual abuse ang biktima base sa resulta ng ginawa nilang medico-legal o autopsy report.
Kinumpirma ng pulisya na may mga sugat o lacerations sa maselang bahagi ng katawan ng bata.
Dagdag pa ng mga imbestigador, natagpuan sa loob ng bahay ang underwear at short pants ng bata — na nagsilbing ebidensya na siya ay ginahasa at pinatay mismo sa kanilang tahanan.
“May lacerations sa 9 o’clock (kaliwa). Basta dalawa ang nakita, 9 (kaliwa) at 6 o’clock (ibaba). Sa semilya, ang SOCO [Scene of the Crime Operation] na ang magde-determine kung meron o wala,” ani Biadog.
Batay sa medico-legal report, namatay ang bata dahil sa pagkakasakal gamit ang sintas ng sapatos at straw.
Hindi pa tukoy kung patay na ang bata bago ito isinilid sa sako.
“Cause of death ng ating biktima is due to traumatic ligature at the left lateral aspect of the neck resulting to asphyxial death,” dagdag ni Biadog.
Wala pang pangunahing suspek sa ngayon, ngunit lima ang tinuturing na persons of interest (POIs), kabilang ang lolo ng biktima.
Ang apat pang POIs ay mga kapitbahay ng bata, pawang nasa hustong gulang.
Hinihintay ng pulisya ang resulta ng swab tests sa mga persons of interest upang matukoy kung sino ang tunay na may sala.
Posible umano na iisang tao lamang ang nasa likod ng krimen.
“Baka may nakakita upang maging witness o may nalalaman na impormasyon diyan sa Barangay Tampucao. Humihingi kami ng tulong o kooperasyon na i-report kaagad sa amin upang matulungan ang pamilya ng biktima na ma-solve at mabigyan ng hustisya,” panawagan ni Biadog./ Mary Anne Sapico