HINDI pa katapusan para sa Gilas Pilipinas ang pagkatalo sa Australia, kundi simula pa lamang ng panibagong laban.
Natalo ang pambansang koponan, 84-60, sa Boomers sa 31st FIBA Asia Cup, na nagwakas sa kanilang kampanya sa torneo.
Gayunman, sinabi ni coach Tim Cone na magiging mahalaga ang karanasang ito kapag muling nagharap ang dalawang koponan sa FIBA World Cup qualifiers ngayong taon.
Ayon kay Cone, bracket-mates muli ang Pilipinas at Australia sa Group A ng qualifiers sa Nobyembre, kasama ang New Zealand at Guam. Idinagdag niya na sa Asia Cup, nagpakitang-gilas ang Boomers bilang two-time defending champion na may 16 sunod na panalo simula nang sumabak sila sa kontinental na paligsahan.
Sinubukan umano ng Gilas na kontrolin ang laro at gawing mabagal ang tempo, ngunit hindi ito umubra laban sa agresibong laro ng Australia.GP