Home HOME BANNER STORY Tinedyer na Pinoy, kumpirmadong sugatan sa Switzerland fire

Tinedyer na Pinoy, kumpirmadong sugatan sa Switzerland fire

290
0

CRANS-MONTANA, Switzerland — Natagpuan na at nakumpirma ang pagkakakilanlan ng 16-anyos na Pilipino na si Kean Kaizer Talingdan, ilang araw matapos siyang mawala dahil sa nakamamatay na sunog sa Le Constellation bar sa Crans-Montana.

Nakikipag-ugnayan ang Philippine Embassy sa Berne sa mga awtoridad ng Switzerland para tulungan ang mga Pilipinong naapektuhan ng insidente.

“Na-confirm na po na nasa Zurich si Kean and confirm na rin po ang identity,” ani ng kanyang ina, si Kristal Talingdan.

Kasulukuyan siyang naka-confine sa University of Zurich Hospital at patuloy na minomonitor ng mga doktor.

“He is stable, but he cannot be approached yet. He is still in Zurich for now, and his vitals are stable,” dagdag ni Kristal.

Nagbakasyon si Kean sa Switzerland kasama ang tatlong kaklase para sa maikling New Year’s break at nanatili sa bahay ng isang kaibigan.

Ayon sa kanyang ama, si Yohan Guiot, nakatanggap siya ng tawag mula kay Kean bandang alas-4 ng umaga noong Enero 1 gamit ang telepono ng isang rescuer.

Naiiyak at masakit ang katawan ni Kean pero sinabi niyang buhay siya. Binigyan siya ng paunang lunas sa lugar ng insidente nang halos 45 minuto bago isinugod sa ospital.

Maaaring ilipat si Kean sa Niguarda Hospital sa Milan, Italy, kung makakakuha ng clearance mula sa mga doktor, ani ng kanyang ina.

Sumiklab ang sunog bandang 1:30 ng umaga noong Enero 1, na ikinamatay ng hindi bababa sa 40 katao at ikinasugat ng 121.

Apat lamang sa mga biktima, na pawang Swiss, ang nakumpirma na, habang nahihirapang makilala ang iba dahil sa matinding paso. Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here