MANILA, Philippines – Sinabi ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na nakita niya ang “records of communication” na nagpapatunay na may direktang kaalaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa umano’y kickback scheme sa flood control controversy.
“Communication between the President and Undersecretary Adrian Bersamin ….lumalabas talaga na sya yung personal runner, utusan, bagman,” ani Tinio sa isang ulat.
Ayon pa kay Tinio, isa sa mga nag-endorso ng impeachment complaint laban kay Marcos mula sa Bagong Alyansang Makabayan, pinapawalang-bisa ng ebidensyang ito ang mga batikos na walang laman ang reklamo.
Ayon kay Tinio, kabilang sa komunikasyon mula Disyembre 2024 hanggang Hulyo 2025 ang mensahe ni Bersamin noong Marso 24, 2025, na nag-uulat ng P8 bilyong delivery mula kay dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo, na kinilala ni Marcos: “Complete na po ang 7.122 delivery sa akin… Tapusin ko po computation today.”
Binanggit din niya ang mensahe noong Hulyo 10, 2025, tungkol sa P2 bilyong delivery sa Narra residence ng Pangulo sa Forbes Park.
Ayon sa ulat, nasa pag-iingat ni Batangas Rep. Leandro Leviste, Caloocan Rep. Edgar Erice, at isang opisyal ng LGU na pinagkakatiwalaan ng Bersamins ang mga kopya ng komunikasyon.
“May malakas na ebidensya na alam na alam ng Pangulo ang korupsyon, direktang lumahok siya at tumanggap ng kickback mula rito,” ani Tinio.
Itinanggi naman ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang mga paratang, at sinabi nitong pulitikal ang motibo at walang katotohanan.
Bagaman bumoto ang Kamara ng 284-8-4 upang iwaksi ang dalawang impeachment complaints laban kay Marcos dahil sa kakulangan ng ebidensya, sinabi ni Tinio na nagpapatuloy ang paghahanap ng pananagutan.
Hinimok din ng Makabayan bloc ang publiko na makilahok sa mobilisasyon sa Pebrero 25, anibersaryo ng EDSA People Power, upang humingi ng pananagutan. RNT