Home HOME BANNER STORY ‘Tips’ upang makaiwas sa heat-related illnesses alamin

‘Tips’ upang makaiwas sa heat-related illnesses alamin

MANILA, Philippines- Sa pagpasok ng bansa sa dry season, nagbahagi ang Department of Health ng mahahalagang tip upang maging ligtas ang publiko mula sa heat-related illnesses.

Sa isang news forum sa Quezon City nitong Sabado, binigyang-diin ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo ang kahalagahan ng proper ventilation kapag nasa loob.

Kailangan din umanong manatiling hydrated, pinayuhan ang publiko na uminom ng hindi bababa sa pito hanggang walong baso ng tubig araw-araw upang maiwasan ang heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke.

“Magbaon ng reusable water jug,” mungkahi ni Domingo.

Iginiit din ng health official ang importansya ng pagkakaroon ng regular breaks o “heat breaks” kontra overheating.

Kapag nakitaan ng senyales ng heat-related illness ang isang indibidwal, payo ni Domingo, ilipat ito sa maaliwalas na lugar. Inirekomenda rin niya ang paglalagay ng cold compress sa batok, at kili-kili, at pagpapaluwag sa mahigpit na kasuotan upang mapababa ang body temperature.

Para sa mga nagsasagawa ng outdoor activities o exercise, inirekomenda niyang isagawa ito bago sumapit ang alas-9 ng umaga o lampas alas-4 ng hapon upang makaiwas sa peak temperatures. RNT/SA