Home METRO Tirador ng motor timbog sa Pasay

Tirador ng motor timbog sa Pasay

1
0

MANILA, Philippines – Arestado sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Pasay City police Sub-Station 1 ang isang 46-anyos na lalaking suspek na sinasabing nagnakaw ng motorsiklo matapos siyang matunton sa pamamagitan ng CCTV footage bago maghatinggabi ng Lunes, Setyembre 7.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito M. De Sesto ang nadakip na suspek na si alyas Michael, 46, ng Barangay 156, Pasay City, habang patuloy namang tinutugis ang kanyang kasabwat na si alyas Jayson, 39, residente ng Barangay 148, Pasay City.

Ayon kay De Sesto inaresto si alyas Michael sa ikinasang follow-up operation ng mga tauhan ng Sub-Station 1 dakong alas-11:42 ng gabi sa Tramo Street, Barangay 156, Pasay City.

Sinabi ni De Sesto na nag-ugat ang pag-aresto bunsod sa naireport na pagnanakaw ng isang kulay asul at abong Yamaha Mio i125 na iniulat na nawawala matapos maiparada sa Maginhawa Street, Barangay 14, noong Setyembre 5.

Sinuri ng mga imbestigador ang CCTV footage sa lugar at umano’y nakita ang dalawang lalaki na sangkot sa insidente kung saan nakita ang isa sa mga ito na kumukuha ng motorsiklo habang ang isa naman ay sinasabing nagsilbing lookout.

Samantala, natunton naman ng mga pulis ang ninakaw na motorsiklo sa pamamagitan ng karagdagang CCTV footage at umano’y nakita si alyas Michael na nakasakay dito sa Barangay 156.

Dahil sa nakuhang impormasyon mula sa CCTV, nagsagawa ng follow-up operation ang mga imbestigador na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Michael dalawang araw matapos maiulat ang naturang nakawan ng motorsiklo.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016 si alyas Michael na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Pasay City police habang patuloy naman ang operasyon ng paghahanap kay alyas Jayson upang mabawi ang kanilang ninakaw na motorsiklo. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here