Home METRO Tirador ng motorsiklo tiklo sa Pateros

Tirador ng motorsiklo tiklo sa Pateros

MANILA, Philippines – Nasakote ng mga tauhan ng Aguho Sub-station ng Pateros Municipal police ang isang pintor na tinaguriang tirador ng mga motorsiklo sa ikinasang simulated dragnet operation sa munisipalidad nitong nakaraang Martes, Hunyo 25.

Sa report na isinumite ng Pateros Municipal Police Station (MPS) sa Southern Police District (SPD) ay nakilala ang inarestong suspect na si alyas Kevin, 32.

Ayon sa SPD, nadakip ang suspect dakong alas 2:30 ng madaling araw sa ikinasang dragnet operation ng Aguho Sub-station sa Brgy. Martirez del 96, Pateros, Metro Manila.

Base sa imbestigasyon ng Pateros police, nauna nang nagreport sa pulisya ang biktima na kinilala lamang sa alyas na Leodesita, 45, office staff, na natangay ang kanyang nakapark na motorsiklo.

Makaraang makuha ang impormasyon ay agad na nagsagawa ang Aguho police Sub-station ng simulated dragnet operation kung saan kanilang nasita ang suspect habang minamaneho ang isang kulay violet na Yamaha Mio Sporty motorcycle na may plate number NA44834.

Imbis na huminto ay pinaharurot pa ni alyas Kevin ang kanyang motorsiklo kung saan nagkaroon ng maikling habulan na nagdulot ng pagkakaaresto sa suspect.

Sa pagsasagawa ng inspeksyon ay nakuha sa posesyon ng suspect ang isang lanseta na may habang 32 mm. at ang improvised master key na nakasalpak pa sa susian ng motorsiklo ng biktima.

Kasong paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016) at BP 6 (Illegal Possession of Bladed Weapon) ang kinahaharap ng suspect na kasalukuyang nakapiit sa Pateros MPS. James I. Catapusan