MANILA, Philippines- Kalaboso ang isang lalaking guro sa Cebu City matapos ireklamo dahil sa umano’y pagkagat sa dalawang estudyanteng lalaki. Batay sa ulat, pinaghuhubad umano ang isa sa mga biktima upang makita ang abs nito.
Base sa ulat nitong Martes, nagtuturo umano ng MAPEH sa Don Vicente Rama Memorial National High School (DVRMNHS) ang inirereklamong guro.
Tinukoy naman ang mga biktima na isang 17-anyos at isang 14 anyos na sinasabing kinagat ng guro sa likod at braso.
Nagreklamo ang ama ng isa sa mga estudyante na isang pulis, matapos umanong paghubarin ng guro ang kanyang anak upang makita ang abs nito.
Anito pa, pinagbantaan pa ng suspek ang biktima sakaling hindi ito sumunod. Napilitang sundin ng binatilyo ang utos ng guro subalit kinagat pa rin rin umano ng guro ang estudyante sa likod.
Samantala, inireklamo rin ng ina ng isa pang estudyante ang suspek matapos mapag-alaman na kinagat umano ng guro sa braso ang kanyang anak.
Nagsampa na ng reklamo laban sa guro ang ina sa chairman ng barangay na sumasaklaw sa lugar.
Inihayag ng dalawang head teachers sa DVRMNHS na nagsumite na sila ng ulat sa Cebu City Department of Education (DepEd) Division hinggil sa insidente.
“I received the reports from the division this morning and I already forwarded to the legal [office] for action. We will not tolerate such acts of a teacher. We will deal with it accordingly,” wika ni Dr. Salustiano Jimenez, DepEd 7 director.
Tumangging magkomento ang inirereklamong guro. RNT/SA