Home NATIONWIDE Kaligtasan ni Alice Guo tiniyak ng Senado

Kaligtasan ni Alice Guo tiniyak ng Senado

Kuha ni Cesar Morales l Remate File Photo

MANILA, Philippines- Tiniyak ng  Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado ang kaligtasan ni Alice Guo, pinatalsik na alkalde ng  Bamban, Tarlac, sakaling madala ang pugante sa Senado upang ikulong at managot sa kasong kinahaharap nito.

Sa panayam, sinabi ni Retired Lt. Gen. Roberto Ancan, hepe ng OSAA na wala pa silang nakikitang banta na maghuhudyat upang palakasin ang seguridad ni Alice Guo pagdating sa Senado.

Aniya, magsasama sina Alice o Guo Hua Ping at Shiela Guo, nagpakilalang kapatid ng dating alkalde, sa detention room.

“I assure their safety and kung kailangan akong magdagdag ako ng personnel to guard them 24/7, we will,” giit ni Ancan.

Sinabi ni Ancan na depende sa magiging sitwasyon kung paano babantayan ang magkapatid sa kanilang detention room.

“Depende sa mga reports kung may threat talaga. But as of now, wala pa namang perceived threats,” wika niya.

Nahaharap si Alice sa arrest order ng Senado matapos itong mabigong dumalo sa kabila ng ilang pagtawag at subpoena, ng komite na nag-iimbestiga sa human trafficking sa ilegal na POGO hubs sa Tarlac at Porac, Pampanga.

Iniimbestigahan ng komite na pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros kasama si Senador Sherwin Gatchalian ang kanyang pagkakasangkot sa illegal POGO ng kompanyang  Zun Yuan Technology Inc. sa Bamban, Tarlac.

Natuklasan din sa pagdinig ang pekeng pagkakakilanlan ni Alice Guo at Shiela matapos ilantad ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang fingerprints na katulad ng dalawang Chinese national na nagtungo sa bansa.

Inakusahan din silang espiya ng China sa Pilipinas dahil umiinit ang tensyon sa panggigipit ng Beijing sa barko ng bansa na naglalayag sa loob ng West Philippine Sea.

Nadakip ang puganteng Chinese national sa  Tangerang City, Jakarta, Indonesia dakong ala-1:30 ng madaling araw nitong Miyerkules ayon sa NBI at Department of Justice (DOJ), base sa impormasyon mula kay Senior Superintendent Audie Latuheru ng Indonesian Police.

Isasailalim si Alice Guo sa proseso ng NBI at Bureau of Immigration pagdating ng bansa bago dalhin sa Senado. Ernie Reyes