NAGA CITY – Himas-rehas ngayon ang isang tiyuhin matapos ireklamo ng pangmomolestiya ng sariling pamangkin, iniulat sa lungsod na ito.
Kinilala sa alyas Rene, 47, ang suspek at residente ng Barangay Tangke sa nasabing lungsod.
Ayon kay Lt. Col. Vernino Noserale, hepe ng Naga City Police Station, naganap ang insidente dakong 12:19 p.m. noong Linggo, Setyembre 21, 2025, sa loob ng bahay ng biktima.
Sinabi ni Noserale na sinamahan ng kanyang ina ang menor de edad nitong anak na babae para pormal na magsampa ng reklamo laban sa suspek.
Kuwento ng biktima, himbing siyang natutulog sa kanilang silid nang makaramdam na may naghihimas sa maselang bahagi ng kanyang katawan.
Aniya, pagdilat niya ng kanyang mga mata ay nagulat siya nang makita ang kanyang tiyuhin at kahit gising na siya ay hinimod pa ang kanyang puwitan.
Dahil dito, nagpumiglas ang biktima at mabilis na tumakas ang suspek, habang nagsumbong naman ang bata sa kanyang ina na nagresulta sa agarang pagdakip sa suspek.
Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Naga City Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7610. /Mary Anne Sapico