MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-60 Founding Anniversary nito, mamamahagi ang Caloocan City Medical Center (CCMC) ng libreng gamot at laboratory services na sinimulan nitong Setyembre 22 hanggang Setyembre 26.
Ang isang linggong selebrasyon ng Anibersaryo ng CCMC ay magbibigay ng libreng pediatric at dental services, pap smear at libreng early breast cancer detection procedure para sa mga kababaihan, gayundin ang minor surgical process at pamamahagi ng libreng eyeglasses at vitamins para sa mga benepisyaryo.
Hinikayat naman ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang kanyang mga nasasakupan na gamitin ang mga libreng serbisyong iniaalok ng CCMC at nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa lokal na health workers ng lungsod para sa kanilang dedikasyon na magbigay ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan para sa lahat.
“Sa mga Batang Kankaloo, isang linggo pong magbibigay ng libreng mga serbisyong pangkalusugan ang CCMC, kaya sana po ay huwag nating sayangin ang pagkakataon na ito na makilahok sa pagdiriwang ng kanilang anibersaryo,” ani Mayor Along.
“Mula pa noong nagsimula tayong pagtuunan ng pansin ang kalusugan ng ating mga kababayan, mga local health worker po ang ating naging katuwang sa pagbababa ng serbisyo sa ating mga komunidad. Asahan po ninyong hindi lang mga health services ang ating paiigtingin kundi pati na rin ang proteksyon ng ating health worker,” dagdag niya. (Merly Duero)