MANILA, Philippines – Nag-isyu ng memorandum circular ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpaparusa sa mga drayber ng ride-hailing vehicles na magkakansela ng mga booking nang walang katanggap-tanggap na dahilan.
Sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular No. 2025-055, na pinirmahan nitong Huwebes, Disyembre 11, sinabi ng ahensya na ang mga drayber ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) na magkakansela ng booking na natanggap na at nakumpirma na sa digital platform ay pasok sa paglabag na “refusal to convey passengers.”
Ito ay pinaparusahan sa ilalim ng Section IV.2 ng Joint Administrative Order 2014-01 ng Department of Transportation, ayon sa LTFRB.
Mayroong multang P5,000 ang paglabag na ito para sa unang offense, habang ang second offense ay mayroong P10,000 na multa at pagka-impound ng sasakyan ng 30 araw.
Para sa ikatlo at sunod pang mga paglabag, ang drayber ay mahaharap sa P15,000 multa at kanselasyon ng kanilang Certificate of Public Convenience.
Ayon kay LTFRB Chair Vigor Mendoza, ang memorandum ay inisyu bilang tugon sa “numerous complaints of commuters about the rampant booking cancellations in areas with traffic jams, and in anticipation of the same modus for the holiday season.”
“The effect of the sudden and shameless booking cancellations of TNVS [drivers] is huge because we are talking about the importance of a passenger’s time, which may be compromised by such a modus,” ayon pa kay Mendoza.
“This is also a matter of safety and welfare of the passengers because it involves the hope of convenience, and all of a sudden, the booking is canceled. What if it also involves emergency situations, and then they would just cancel for no reason?” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng memo, sinabi ng LTFRB na ang kanselasyon ng booking ay may kaparusahan kung ito ay ginawa para umiwas sa “short distance” o “nonprofitable” trips kapalit ng mas mataas na pamasahe, o kung mayroong diskriminasyon sa pasahero lalo na ang senior citizens, persons with disabilities, at iba pang miyembro ng vulnerable sectors.
Paparusahan din ang drayber na magkakansela ng booking sa kalagitnaan ng biyahe nang walang sapat na dahilan.
Hindi naman kasama dito ang mga insidente ng natural calamity katulad ng baha, car maintenance issues, at “passenger behavior.”
Idinagdag ni Mendoza na titingnan din ng LTFRB ang log systems ng Transport Network Companies (TNCs) upang matukoy kung sadyang nagkakansela ang mga drayber sa ilang mga lugar, panahon o passenger profiles nang walang katanggap-tanggap na dahilan.
Para maipatupad ito, oobligahin ng ahensya ang mga TNC na magpasa ng monthly report na naglalaman ng number o percentage ng booking cancellations ng drayber, pasahero o system. RNT/JGC