MAAARING ipatawag ng Pilipinas ang ambassador ng China para bigyan ng opisyal na kopya at lektyuran ukol sa dalawang mahalagang batas na pinirmahan kamakailan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Sa kanyang panayam sa Kapihan sa Manila Bay, ibinahagi ni Tolentino na personal niyang sinabi ang kanyang mungkahi kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo sa sidelines ng DFA budget hearing kahapon.
“Pero ayon kay Secretary Manalo, wala sa bansa ang ambassador ng China dahil kasalukuyan itong naka-leave ng isang buwan,” ani Tolentino, ang principal author at sponsor ng Philippine Maritime Zones Act (12064) and Philippine Archipelagic Sea Lanes Act (12065).
Ito ang pahayag ni Tolentino bilang reaksyon sa pagpapatawag ng China sa ambassador ng Pilipinas sa Beijing – ilang oras lamang matapos lagdaan ang dalawang landmark laws upang sabihin ang mariing pagtutol nito.
“Hindi dapat tayo matakot dahil sa insidenteng ito. Bagkus, dapat pa nga nitong palakasin ang paninindigan natin para igiit ang ating mga karapatan sa ating maritime domain,” ayon sa senador.
“Huwag tayong magpa-pressure at magpa-bully sa isang sulok. Ang kanilang reaksyon sa isyung ito ay nagpapakita lang na tama ang ating posisyon, batay sa bisa at lakas ng international law,” diin pa ng chaiman ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones.
“Karapatan natin na ituring nang may respeto bilang isang malayang bansa. Kahit ako ay pwedeng mag-deliver ng kopya ng batas para mabasa nila,” dagdag pa nya.
Ayon pa kay Tolentino, sa takdang panahon ay makatatanggap din ang China ng opisyal na kopya ng Philippine Maritime Zones Act mula sa United Nations. Samantala, pormal namang isusumite ng Pilipinas ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act sa International Maritime Organization (IMO) at International Civil Aviation Organization (ICAO).