Home NATIONWIDE Tol hinikayat ang mga Pilipino na bisitahin, tuklasin ang Cebu

Tol hinikayat ang mga Pilipino na bisitahin, tuklasin ang Cebu

NANAWAGAN si Sen. Francis Tolentino na patuloy na suportahan ang lokal na turismo at ipagdiwang ang yaman ng ating kultura, kagaya ng lalawigan ng Cebu.

Todo-suporta si Senate Majority Leader Francis ‘TOL’ Tolentino sa layunin ng lalawigan ng Cebu na ipagmalaki ang mayamang kasaysayan, relihiyon, at kultura nito sa pamamagitan ng organized tours na isinasagawa buong taon.

Kabilang ang senador sa mga lumahok sa ‘Suroy Suroy Sugbo Southern Heritage Trail’ na nagsimula sa kapitolyo ng probinsya sa lungsod ng Cebu noong Biyernes. Sa pangunguna ni Gobernadora Gwen Garcia, layunin ng tour na ipamalas ang kakaibang kultura, relihiyon, kasaysayan, at magagandang tanawin ng southern Cebu, o katimugang bahagi ng lalawigan.

Sa kanyang talumpati sa isa sa mga hinintuan ng tour sa plaza ng San Isidro Labrador Church sa San Fernando, Cebu, inihayag ni Tolentino na marami syang natutunang bagong impormasyon sa naturang bayan, lalo na sa kasaysayan nito. Nalaman din nya kay Mayor Mytha Ann Canoy ang pagsisikap ng San Fernando para hirangin bilang susunod na surfing destination ng bansa.

“Nalaman ko ang kasaysayan ng mga taga San Fernando bilang matapang at matatag, at handang humarap sa mga pagsubok ng buhay, gaya ng mga alon sa inyong dagat, na may bahaging papataas at pababa,” ani Tolentino.

“Kung kaya’t marapatin n’yo ang aking mungkahi na magkaroon ng bagong islogan ang inyong munisipalidad, bilang ‘land of historic waves,'” dagdag nya.

“Isang karangalan na direktang makita at maranasan ang inyong kultura at tradisyon, ang makasalamuha ang mga taga Cebu, at makilala ang mga kapwa ko turista mula sa iba’t ibang lugar, na tulad ko ay nagtungo rito para pumasyal sa southern Cebu. Gayundin, inaanyayahan ko ang ating mga kababayan para suportahan ang lokal na turismo, at tuklasin ang angking ganda ng inyong lalawigan,” pagtatapos niya. RNT