Bacolor, Pampanga – Ang pagkilala sa lalawigan ng Pampanga bilang ‘culinary capital’ ay hindi lamang dahil sa husay ng mga Cabalen sa pagluluto, ayon kay Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino.
Naniniwala si ‘TOL’ na mahalaga rin ang kontribusyon ng mga magsasaka ng probinsya.
“Nagiging masarap ang pagkain ‘di lamang dahil sa mahusay na pagkakaluto nito. Ito rin ay dahil sa mga sariwang sangkap mula sa masaganang aani ng ating mga magsasaka,” ani Tolentino sa kanyang talumpati sa harap ng libong magsasaka mula sa 20 lokalidad ng probinsya.
Isa si TOL sa mga pangunahing may-akda ng Senate Bill No. 2797, na opisyal na kumikilala sa Pampanga bilang ‘culinary capital’ ng bansa. Kamakailan lamang ay ipinasa ng Senado sa ikalawang pagbasa ang panukala.
Nasa Pampanga si TOL noong Huwebes ng umaga para samahan si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa pamamahagi ng 2,939 Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) sa 2,487 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ng lalawigan.
Saklaw ng COCROMs ang mahigit 3,900 ektarya ng mga sakahan at P206.37 milyong halaga ng amortisasyon na aakuin ng pamahalaan. Dagdag pa rito ay 30 titulo ng lupa at 30 tax declarations ang iginawad sa natatanging ARBs.
“Ang kondonasyon, o pag-ako ng pamahalaan sa pagkakautang mula sa inyong mga sakahan ay malinaw na patunay na kayo’y kinakalinga ng gobyerno. Kinikilala din ang inyong mahalagang ambag bilang tagapagtaguyod ng bansa,” pagdidiin ni Tolentino.
Sa kanyang talumpati ay kinila rin ng senador ang mga miyembro ng Kamara na dumalo sa pagtitipon; gayundin ang pinuno ng mga lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Vice Governor Lilia Pineda; at mga opisyal at kawani ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa pamumuno ni Kalihim Conrado Estrella III.
Ang paggagawad ng COCROMs ay bahagi ng P57.56 bilyong katumbas ng mga utang — kasama ang interes, surcharges, at penalties – ng mahigit 600,000 magsasaka sa pamamagitan ng Republic Act No.11953, o ang New Agrarian Reform Emancipation Act.