Home NATIONWIDE TOL: Traffic, kayang ibsan ng teknolohiya pero mas kailangan ng disiplina

TOL: Traffic, kayang ibsan ng teknolohiya pero mas kailangan ng disiplina

Malaki ang maitutulong ng teknolohiya, pero disiplina pa rin ang susi para maging maayos ang.daloy ng trapiko sa Pilipinas. Ito ang binigyang-diin ni reelectionist Senator Francis 'TOL' Tolentino sa pagpapasinaya ng mga makabagong traffic signalization system sa dalawang lungsod sa Laguna.

San Pablo City, Laguna – Malaki ang maitutulong ng teknolohiya, pero disiplina pa rin ang susi para maging maayos ang trapiko sa Pilipinas.

Ito ang binigyang-diin ni reelectionist Senator Francis ‘TOL’ Tolentino sa pagpapasinaya ng makabagong traffic signalization systems sa dalawang lungsod sa Laguna noong Sabado.

Pinangunahan ng senador ang ceremonial lighting ng makabagong traffic lights sa San Pablo at Calamba, kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan at ahensya ng transportasyon.

“Gamit ng traffic light systems na ito ang makabagong teknolohiya. Sa tulong ng camera sensors ay kaya nitong iangkop ang tagal o bilis ng traffic signals ayon sa daloy ng trapiko,” paliwanag ni Tolentino.

Pero nilinaw ng senador na bagama’t malaki ang maitutulong ng teknolohiya para ibsan ang araw-araw na kalbaryo ng mga motorista at pasahero, mas mahalaga pa rin ang pagkakaroon ng disiplina ng mga Pilipino.

“Dapat umiral ang disiplina sa ating mga drayber, rider, at motorista. Kung wala nito, wala ring saysay ang anumang modernong teknolohiya, o kahit gaano pa man kahusay ang traffic management mo,” pagdidiin nya.

Matagal nang adbokasiya ni TOL ang pagsasaayos sa trapiko, kahit noong sya’y nanungkulan pa bilang Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman

“Malaking tulong ang maayos na pangangasiwa ng trapiko sa ekonomiya at sa kalikasan, dahil nagdudulot ito ng mas kaunting carbon footprints. Sinisiguro rin nito ang mas mabilis na byahe para sa mga motorista, at mas ligtas na mga kalsada para sa mga pedestrian, lalong lalo na sa vulnerable sectors gaya ng mga nakatatanda, kababaihan, at mga estudyante,” ipinunto ng senador.

“Nawa’y makatulong sa inyong mga kababayan at komunidad ang traffic light system na ito,” pagtatapos nya.

Katuwang ang Department of Transportation and Land Transportation Office, layunin ng programa ni Tolentino na magtalaga ng traffic signalization systems sa 15 priority intersections sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Magugunita na nauna nang nagpasinaya ng katulad na proyekto si Tolentino sa General Mariano Alvarez, Cavite; Naga City, Camarines Sur; at Dumaguete City, Negros Island Region. RNT