Home HOME BANNER STORY Bato nagmamatigas vs ICC warrant: ‘Hindi ako magpapahuli, di ako sasama’

Bato nagmamatigas vs ICC warrant: ‘Hindi ako magpapahuli, di ako sasama’

MANILA, Philippines- Matinding nagmamatigas si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa laban sa posibleng paghahain ng warrant of arrest ng International Criminal Police Organization (InterPol) mula sa International Criminal Court sa The Hague hinggil sa kasong crimes against humanity.

Sa pahayag, muling iginiit ni Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na nagpatupad ng Oplan Tokhang sa Duterte administration, na hindi siya susuko sa anumang arrest warrant na ipalalabas ng ICC.

“Hypothetical? Hindi ako magpahuli. Hindi ako sasama,” ayon kay Dela Rosa sa radio interview.

Nilinaw din ni Dela Rosa na hindi siya tatakas sa bansa.

“Hindi ako lalabas sa aking comfort zone. My comfort zone sa Philippines. Bakit ako pupunta sa ibang bansa? Dito ako sa Pilipinas. Dito ako pinanganak. Dito ako mamamatay sa bansa kung sinilangan,” dagdag niya.

Reaksyon ito ni Dela Rosa matapos arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11 saka mabilis na dinala sa The Hague na kung saan nakakulong siya sa ICC Detention Facility.

Nahaharap si Duterte kasama si Dela Rosa at ilang pang indibidwal sa kasong crimes against humanity sa paglulunsad ng madugong war on drugs na tinatayang aabot sa mahigit 30,000 kabilang ang vigilante killings na naitala ng ilang human rights organizations.

Nagsilbi si Dela Rosa bilang hepe ng PNP sa paglulunsad ng Oplan Tokhang noong 2016.

Naunang Inihayag ng ICC na meron pang siyam na kataong akusado sa ihahaing arrest warrant ngunit, nabawasan ito at nananatili ang pangalan ni Dela Rosa.

Sinabi pa ni Dela Rosa na nagdesisyon siyang hindi magpapahuli dahil nakikita niyang kawalan ng katarungan sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isinusuko ang sinumang Filipino na wala umanong due process.

“If you see injustice happening around, are you still going to surrender yourself to the authority?” tanong niya.

“Oo, hindi nakabubuti yung gagawin ko. Pero yung ginagawa nila, nakakabuti ba yun sa ating bansa? Yung hinuli nila at dinala si Pangulong Duterte doon sa The Hague, nakakabuti ba yun sa ating bansa?” dagdag ng senador.

Kasabay nito, binatikos din ng dating hepe ng pulisya si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Police Maj. Gen. Nicolas Torre III na nanguna sa pagdakip kay Duterte.

“Si General Torre ay lasing sa kapangyarihan. Kung makaasta akala mo, wala nang katapusan yung kanyang power. Sige lang, nothing is forever dito sa mundo,” ayon kay Dela Rosa.

Si Torre ang nagbasa ng Miranda Rights ni Duterte nang dakipin siya ng awtoridad paglapag ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na mahigpit na nagpabulaanan na hindi ibinigay sa dating Pangulo ang pangangailangan nito nang dalhin sa Villamor Air Base.

“There’s no deprivation of legal counsel, ‘yung medicine niya, food niya, wala po ‘yun. Naibigay po natin lahat ng ‘yun,” ayon kay Torre.

Samantala, sinabi naman ni dating Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat pinayagan muna si Duterte na konsultahin ang kanyang abogado at maghanda ng depensa bago dalhin sa The Hague.

“Moving forward, we need to be very clear on how we handle situations like this – balancing our international commitments with protecting the rights of any Filipino facing an international case,” ayon kay Zubiri. Ernie Reyes