DAVAO CITY – TINUKOY ng Davao City Police Office ang Tolentino Criminal Gang ang nasa likod ng pagnanakaw sa pawnshop noong Pebrero 26.
Sa ginanap na press conference noong Huwebes, sinabi ni DCPO chief Police Col. Hansel Marantan, na karamihan sa mga suspek ay sangkot sa mga nakaraang pagnanakaw.
Kinilala ni Marantan ang pinuno ng grupo na si Marvin Beronguis habang nahuli sa hot-pursuit operation ang isa sa mga suspek na si Johnny Bulawan.
Tukoy na rin ng pulisya ang pitong iba pang mga suspek at patuloy na tinutugis kung saan natangay ng mga ito ang P100M halaga ng mga alahas.
Sinabi ng hepe ng DCPO na ilan sa mga suspek ay mula sa Northern Mindanao.
Ibinunyag ni Marantan na nakulong si Bulawan dahil sa pagkakasangkot nito sa mga nakawan sa Metro Manila.
Aniya, ang Tolentino Criminal Gang ay splinter group ng Ozamiz City-based Parojinog robbery group.
Matapos lansagin ang grupong Parojinog, sinabi ni Marantan na may ilang nakababatang miyembro ang nag-organisa ng kanilang sariling mga operasyong kriminal.
Ang Tolentino Criminal Gang ay sinasabing isa sa mga grupong sangkot sa robbery-holdup ng isang courier company sa Metro Manila, dagdag niya.
“I’ve been fighting this group since 2004 in Manila. I know what they capable of, these are monsters,” ani Marantan kung saan nasugatan ng makaengkwentro nito ang criminal group noong 2013.
Humingi ng paumanhin si Marantan sa mga may-ari ng sanglaan at sa publiko dahil sa mga pagkakamali sa mga hakbang sa seguridad dito.
Tiniyak niya sa publiko na ang sektor ng seguridad ay nag-recalibrate ng mga hakbang upang maiwasan ang mga katulad na insidente.
Siniguro din nito na nakikipagtulungan sila sa mga police unit sa ibang rehiyon sa pagtugis sa iba pang mga suspek.
Narekober ng pulisya ang getaway vehicle ng mga suspek sa Gingoog City, Misamis Oriental noong Marso 4., 350 kilometro hilaga ng lungsod na ito ang Gingoog.
Inihahanda na ang mga kaukulang kaso laban kay Bulawan at sa mga kasamahan./Mary Anne Sapico