Home NATIONWIDE Tolentino: Landmark measure na Maritime Zones Act, pasado sa bicam panel

Tolentino: Landmark measure na Maritime Zones Act, pasado sa bicam panel

Sa pangunguna nina Senate Majority Leader Francis 'Tol' Tolentino at Pangasinan Rep. Maria Rachel Arenas, chair ng Senate at House panels, ayon sa pagkakasunod, inaprubahan ng bicameral conference committee ang panukalang Philippine Maritime Zones Act noong Miyerkules.

MANILA, Philippines – ISANG hakbang na lamang patungo sa pag-apruba ang landmark measure na magdedeklara sa mga karapatan ng bansa sa maritime zonez nito.

Noong Miyerkules (Hulyo 17), ang bicameral conference committee na binubuo ng mga miyembro ng Senado at House of Representatives (HOR) ay nagkaisang ipinasa ang reconciled version ng Philippine Maritime Zones Act (Senate Bill No. 2492 at House Bill No. 7819).

“This will be the first time that the term ‘West Philippine Sea’ will be embodied, mentioned, and referred to in a law that will be passed by Congress,” sabi ni Tolentino, ang punong may-akda at sponsor ng SBN 2492.

Idinagdag niya na sa panukala, tatawagin na ang Philippine Rise – isang 13 milyong ektarya sa ilalim ng dagat na talampas na matatagpuan sa labas ng lalawigan ng Aurora – na ‘Talampas ng Pilipinas.’

“We also settled issues raised on the provision defining internal waters and archipelagic waters,” anang senador.

Sumama kay Tolentino sina Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, at Sen. Win Gatchalian bilang Senate contingent.

Ang House panel ay pinangunahan nina Pangasinan (3D) Rep. Maria Rachel Arenas, Negros Occidental (3D) Rep. Francisco Benitez, at Rizal (2D) Rep. Emigdio Tanjuatco III.

Nang tanungin ng mga mamamahayag kung paano pakikinabangan ang panukala ng mga Pilipino, iginiit ng senador na “Malinaw na tutukuyin nito ang ating mga karapatan at hanggahan, kabibilangan ng mga lugar kung saan maaaring maglayag at mangisda ang ating mga mangingisda.”

Binanggit ni Tolentino ang dalawang kamakailang kaso na maaaring maiugnay sa panukala, kabilang ang insidente ng ‘hit-and-run’ sa Subic, Zambales, at mga ulat na ang mga tauhan ng Chinese Coast Guard ay pumasok sa karagatan ng Lubang, Occidental Mindoro.

Nagtungo ang senador sa Subic noong Martes (Hulyo 16) upang bisitahin ang pamilya ni Jose Mondoniedo, ang mangingisdang patuloy na nawawala matapos malaman ang insidenteng ‘hit-and-run’ na kinasasangkutan ng dayuhang cargo vessel sa karagatan ng Subic, West Philippine Sea noong Hulyo 3.

Nagbigay ng tulong si Tolentino sa mga anak at sa kapatid ni Jose na si Robert, na nakaligtas sa insidente.

Ang Philippine Maritime Zones Act ay isa sa 28 hakbang na inihayag noong nakaraang buwan bilang prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC). RNT