Home NATIONWIDE Tolentino: Mas malakas, masiglang ugnayang PH-US, asahan sa ilalim ng ‘Trump 2.0’

Tolentino: Mas malakas, masiglang ugnayang PH-US, asahan sa ilalim ng ‘Trump 2.0’

Pinuri ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang mga mamamayan ng Estados Unidos dahil sa maayos at matagumpay na US Presidential Elections, na magbibigay-daan sa muling pagbabalik sa White House ni Republican candidate Donald Trump.

“Ang pagkapanalo ni Donald Trump, taglay ang malinaw at matibay na mandato mula sa mga mamamayan, ay maghahatid ng katatagan at paghihilom sa Estados Unidos, na sa matagal na panahon ay hinati ng magkakaibang pananaw sa pulitika at ekonomiya,” ani Tolentino.

“Ang pokus ni Trump sa muling pagpapasigla sa ekonomiya ng Amerika ay inaaasahang magdudulot ng katatagan sa buong mundo, at kasama sa mga makikinabang dito ay ang ekonomiya ng Pilipinas,” dagdag ng senador.

“Inaasahan ko na ang ‘Trump 2.0’ ay magbubukas ng mas matatag at mas masiglang kabanata sa makasaysayang ugnayan ng US at Pilipinas,” pagtatapos nya.

Isa si Tolentino sa mga personalidad na inimbitahan ng US Embassy sa US Presidential Elections watch party na isinagawa sa Makati noong Miyerkules. RNT