Home NATIONWIDE Tolentino: Paggisa ng Senado sa M/T Terranova oil spill, lalarga na sa...

Tolentino: Paggisa ng Senado sa M/T Terranova oil spill, lalarga na sa Agosto 13

MANILA, Philippines – Inihayag kahapon ni Senate Majority Floor Leader Francis ‘Tol’ Tolentino na tuloy na sa Agosto 13 ang isasagawang paggisa ng Senado sa malalang oil spill na idinulot ng paglubog ng M/T Terranova.

Maaalalang si Sen. Tolentino ang naghain noong nakaraang linggo ng Senate Resolution No. (SRN) 1084 na nag-uutos sa Senate committee on environment, natural resources, and climate change na imbestigahan ang sanhi ng oil spill na naganap noong Hulyo 27.

Hangad ng resolusyon ni Tolentino na mailabas ang mga update kung paano naapektuhan ng kalamidad sa dagat ang kabuhayan ng 46,000 mangingisda sa Bataan, Cavite, Metro Manila, at mga kalapit na lugar, gayundin ang marine biodiversity at food security.

“We need to set up stricter mechanisms to prevent such incidents, and to improve our capability to immediately respond to contain, clean up, and mitigate the impact of this toxic substance on the fishing sector and the environment,” giit ng senador na binanggit ang katulad na insidente sa Pola, Oriental Mindoro noong 2023, at sa island-province ng Guimaras noong 2006.

Sa kasalukuyan, ang Philippine Coast Guard (PCG) ay tinutulungan ng United States Coast Guard at ng National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) na nakabase sa Washington upang pigilan ang oil spill, ayon kay Tolentino, siya ring pinuno ng Senate special committee on PH Maritime and admiralty zones.

Sa kanyang programa sa radyo na ‘Usapang Tol,’ si Tolentino ay inimpormahan ni Department of Agriculture (DA) assistant secretary Arnel De Mesa na nagsimula na ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na magkaloob ng fuel subsidies sa mga apektadong mangingisda.

Bilang tugon, hiniling ni Tolentino sa DA na makipagtulungan sa ibang ahensya upang tulungan ang isa pang apektadong sektor – ang mga fish vendor na apektado rin ng kakaunting huli ng isda bunga ng oil spill at fish ban.

“Huwag natin kalimutan ang mga nagtitinda ng isda. Dapat din silang lapitan at tulungan ng gobyerno. Nakapanayam natin ang mga nagtitinda sa mga pampublikong palengke na marami na raw stalls ng mga nagbebenta ng isda na nagsara,” sabi ni Tolentino kay De Mesa.

Dahil dito, sinabi ni De Mesa na makikipag-coordinate sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para tulungan ang mga fish vendor na nawalan ng kita.

“We will be coordinating with the DSWD to assist fish vendors, kasi totoo naman na wala silang maibebenta kung walang isda,” paniniyak ni De Mesa kay Tolentino. RNT