MANILA, Philippines – Nag-inspeksyon si NCRPO Chief Police Major Gen. Jose Melencio Nartatez sa LRT 1 at LRT 2 kasama na ang ilang bahagi ng Sta Cruz at Quiapo sa Maynila, Miyerkules ng umaga, Agosto 7.
Ito ay upang mapalakas ang pagbabantay ng NCRPO sa loob at paligid ng mga istasyon ng tren sa Metro Manila lalo na’t nagbalik na ang eskuwela ng mga kabataan.
Kasabay ng pag-iinspeksyon, ang pagtatalaga ng nasa 800 pulis para tumulong magbantay ay hindi lamang sa loob ng mga istasyon ng LRT at MRT kundi maging sa labas.
Unang bahagi ng 2024, sinabi ni Nartatez na 26 krimen ang naitala sa loob at paligid ng mga istasyon ng tren kumpara sa 59 sa kabuoan ng taong 2023.
Sa mga insidente, karamihan ay mga theft at robbery tulad ng pandurukot bagamat may ilan na acts of lasciviousness o pambabastos bukod pa sa nahuling sangkot sa illegal na pagsusugal sa labas ng istasyon ng tren.
Bagamat ikinokonsidera ng NCRPO ang paggamit ng mga nakasibilyang pulis na hahalo sa mga pasahero, mas gusto pa rin nila ang mga naka-unipormeng pulis sa sumasakay sa mga tren na ngayon ay ginagawa na rin ng NCRPO. Jocelyn Tabangcura-Domenden