Home NATIONWIDE Duterte kay Marbil: Shortage sa mga pulis mahirap masolusyunan

Duterte kay Marbil: Shortage sa mga pulis mahirap masolusyunan

MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules, Agosto 7, na ang isyu pagdating sa police to population ratio sa bansa ay hinding hindi mareresolba “during our lifetime.”

Ang pahayag na ito ni Duterte ay kasunod ng pag-uutos ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil sa reassignment ng kanyang 75 security detail sa Metro Manila dahil sa shortage umano ng mga pulis sa naturang lugar.

“The shortage is a figure that cannot be solved during our lifetime due to the annually ballooning population and lack of budgetary resources to hire more personnel,” saad sa pahayag ni Duterte.

Binatikos din niya ang mga mambabatas na nagtatanggol sa pag-aalis ng kanyang police personnel dahil sa hindi pag-unawa sa “real cause” ng shortage sa bansa.

“The country should have representatives who understand that, in order to fully address the shortage, there is a need to leverage available technology and leapfrog into the future where policemen are armed with the best security products that do not require their physical presence all the time,” ani Duterte.

Samantala, nagpasalamat si Duterte sa anim na “Muslim tribes” sa Davao City na nag-alok ng seguridad para sa kanya at kanyang pamilya.

Bago rito, naglabas ng liham si Duterte kay Marbil na tinawag ang pag-aalis ng kanyang police escorts bilang “clear case of political harassment.”

Sinabi rin ni Duterte na nagsisinungaling umano si Marbil nang sabihin nitong ang withdrawal ng kanyang police protection detail ay dahil sa pagiging short-staffed ng PNP.

Inalala niya na ang pag-aalis ng mga pulis sa kanyang security force ay nangyari nang magbitiw siya sa gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. RNT/JGC