Home HOME BANNER STORY Tolentino: Sakripisyo ng mga bayani ‘wag isuko sa “gentleman’s agreement” sa WPS

Tolentino: Sakripisyo ng mga bayani ‘wag isuko sa “gentleman’s agreement” sa WPS

MANILA, Philippines- Kasabay ng pagdiriwang ng bansa sa Araw ng Kagitingan kahapon, iginiit ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang sakripisyo ng mga bayaning Pilipino laban sa tinaguriang “gentleman’s agreement” na ipinipilit ng China hinggil sa hidwaan sa Ayungin Shoal.

Sa Ayungin Shoal nakatigil ang BRP Sierra Madre na nagsisilbing outpost ng mga kawal na Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Tolentino, kailangan nating protektahan ang ating bayan at hindi dapat isuko ang ating kasarinlan dahil sa mga sinasabing dahilan ng Tsina. 

Sa Araw ng Kagitingan aniya, lahat ng sakripisyo ng ating mga ninuno, kasama na ang ating mga kamag-anak na nasa death march, ay hindi maaaring balewalain sa gitna ng pagpipilit ng China sa umiiral umano na “gentleman’s agreement”.

Sinabi pa ni Tolentio na ang kasarinlan ng Pilipino ay hindi dapat ibigay, iwaksi, o iwanan, lalo kung isasaalang-alang ang mga karapatan ng susunod na henerasyon. 

Ang mga nagsusulong ng nasabing kasunduan, anang senador, ay walang karapatang magdesisyon para sa susunod na henerasyon. “If they want to give up the Philippine claims, it is very wrong,” babala ng mambabatas.

Sinabi ni Tolentino na itinanggi na ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang sinasabing “gentlemans agreement” kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa pamamagitan ni dating Presidential legal counsel Salvador Panelo. Taliwas ito sa pagkumpirma sa kasunduan ni dating Presidential spokesman Harry Roque.

Gaya ng pag-amin ng China at ni Roque, ang gentleman’s agreement ay verbal lamang. Sinabi ng mambabatas na dapat itong idokumento na may transcript ng mga pag-uusap upang mapagtibay ng Senado.

“If you look at the Vienna Convention on the Law of Treaties, they must be in writing, which the Senate must ratify. Unless you have a transcript submitted by the Department of Foreign Affairs for the Senate to ratify, how will you ratify something that is verbal?” sabi ni Tolentino.

Kung hindi ito nakasulat, sabi ni Tolentino, hindi ito itinuturing na isang kasunduan na naratipikahan ng Senado alinsunod sa ating Konstitusyon kaya walang kasunduan na dapat pag-usapan.

Sinabi ni Tolentino na pinaninindigan ng China ang “gentleman’s agreement” dahil pabor ito sa kanilang interes sa WPS na nasa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ), sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS) na pinagtibay ng 2016 Arbitral Ruling. RNT