Home NATIONWIDE Tolentino: Tsina dapat singilin sa pagbangga, pagwasak sa mga barko ng PCG

Tolentino: Tsina dapat singilin sa pagbangga, pagwasak sa mga barko ng PCG

MANILA, Philippines – Napapanahon na para pulungin ang National Security Council (NSC).

Ito ang muling iginiit ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa harap ng mas agresibong mga aksyon ng China, partikular sa pagwasak sa dalawang patrol ships ng Philippine Coast Guard matapos sadyang banggain ng mga barko ng Chinese Coast Guard sa Escoda Shoal noong Lunes.

Gayundin, nanindigan si Tolentino na dapat singilin ng kumpensasyon ng pamahalaan ng Pilipinas ang Tsina para sa mga pinsalang idinulot ng mga barko ng huli sa BRP Bagacay at BRP Cape Engaño.

“Hindi katanggap-tanggap ang nangyari [sa Escoda Shoal]. Ang next steps dito, dapat kahapon ay nag-file na ng diplomatic protest ang [Department of Foreign Affairs], sana’y naisagawa na yun,” saad ni Tolentino sa Isang panayam sa Teleradyo noong Martes.

“Dapat maghain na rin tayo ng claim para sa pinsala. Sa ilalim ng Part 15 ng UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea), may responsibilidad ang may-ari ng barko, maging ito man ay state-owned o pribado, na panagutan ang nangyari,” dagdag pa nya.

“Imumungkahi ko rin sa OSG (Office of the Solicitor General) at DOJ (Department of Justice) na bumuo ng isang specialized team ng mga abogado na hahawak sa ganitong uri ng mga kaso. Kasi tuluy-tuloy ito. Hindi pwede na mga fiscal, kasi specialized aspect ito ng international law at maritime law. Dapat mayroong iisang team na ito lang ang gagawin,” diin pa nya.

“Uulitin ko rin yung panawagan ko kay Presidente na i-convene na ang NSC, dahil aggravated na ang aksyon na ito. Kung ico-convene po yun, siguro ay mas focused na response ang pwedeng mangyari. Magsasalita at hihingan ng opinyon ang Coast Guard, Philippine Navy, at DFA. This [incident involves] one of the highest forms of aggravated maritime intentional allision and collision,” ayon pa sa senador, na syang pangunahing may akda at sponsor ng Philippine Maritime Zones Bill at Philippine Archipelagic Sea Lanes Bill.

Dapat aniyang ipakita ng Tsina na may sinseridad ito sa pakikipag-negosasyon sa Pilipinas lalo’t katatapos lang ng pag-uusap tungkol sa Ayungin Shoal, pero nangyari pa rin ito.
Si Tolentino ay kilalang nagsusulong ng multilateral mechanisms para resolbahin ang mga isyu sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.

“Tama na ang rhetorics. Maghain na tayo ng mga reklamong dapat isampa,” pagtatapos ng senador. RNT