MANILA, Philippines – Umabot sa 15 katao ang sugatan sa banggaan ng dump truck at L300 van sa northbound lane ng C5 road sa Libis, Quezon City nitong madaling araw ng Miyerkules, Agosto 21.
Pahirapan pa ang mga rumesponde na makuha ang mga pasahero ng van kung saan ang sinasakyan nila ay nadaganan ng trak.
Dinala ang mga pasahero sa ospital na pawang mga nagtamo ng fracture.
“Medyo nahirapan tayo sa harap kasi medyo matindi ang tama niya tapos matindi ang pagkaiipit niya,” sinabi ni Senior Fire Officer 3 Bill Astudillo, team leader ng Bureau Fire Protection – Quezon City South Special Rescue Force, sa panayam ng GMA News.
“Sa likod naman, halos may fracture din ang iba. Tatlo yata doon yung may fracture na naipit. So nahirapan lang tayo para maalalayan natin sila nang maigi na hindi na sila masaktan pa,” dagdag pa niya.
Ayon sa truck driver, nabangga niya ang van nang iwasan nito ang isang motorsiklo.
Sinabi naman ng drayber na nasa tama lamang ang bilis ng kanyang pagmamaneho.
Matapos mabangga ang L300 van ay tumagilid ito, habang nagkalat sa kalsada ang dala-dala nitong mga buhangin. RNT/JGC