Home NATIONWIDE P70B unused funds ng PhilHealth, ‘wag ilipat sa Treasury – Hontiveros

P70B unused funds ng PhilHealth, ‘wag ilipat sa Treasury – Hontiveros

MANILA, Philippines – Hiniling ni Senador Risa Hontiveros nitong Miyerkules, Agosto 21 ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na itigil ang paglilipat ng P70 bilyong unused funds sa Bureau of Treasury matapos lumakas ang credit rating mula sa Japan-based debt watcher.

“Dahil in-upgrade na ang ating credit rating ng Rating and Investment Information, wala nang rason para patuloy na mag-remit ang PhilHealth ng pondo sa national government dahil mas dadami na ang pondong pwedeng gugulin para sa serbisyong pangkalusugan,” ayon kay Hontiveros.

“Ayon mismo kay Presidente, ang matitipid natin sa pagbabayad ng interes sa ating mga utang ay puwedeng gamitin para sa ikabubuti ng ating kababayan,” giit pa niya.

Sinabi ni Hontiveros na inilipat ng state health insurer ang P20 bilyon sa general fund noong Mayo 10 at nakatakda pang maglipat ng P10 bilyon ngayon, Agosto 21, at P30 bilyon sa Oktubre 16 at P30 bilyon sa Mayo 26, 2025.

“Sa pananaw ko, bilang author at advocate ng Universal Health Care Act, dehado ata ang mga miyembro ng Philhealth sa fund transfer na ito. This raises serious questions about the credibility of Philhealth’s leadership and management in fulfilling the mandate of the UHC Act,” ayon kay Hontiveros.

Bahagi ng UHC Act, naglagay ng amendments si Hontiveros sa batas na tiyakin na hindi magagalaw ang anumang pondo ng PhilHealth at gamitin ito upang maibaba ang premium contribution rates ng miyembro at itaas ang benepisyo ng pasyenteng nangangailangan.

“Sa pamamagitan ng amendment na ito, wala na pong duda at wala na pong alternative na opinyon,” ayon kay Hontiveros. “Here, the mandate of the legislature will be crystal clear, and will preclude any confusion — genuine or otherwise.” Ernie Reyes