MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig City police ang isang high-value individual (HVI) na nakumpiskahan ng ₱408,000 shabu, Martes ng umaga, Agosto 20.
Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD) ay nakilala ang inarestong suspek na si alyas Romark, 39.
Base sa imbestigasyon ng Taguig City police, naganap ang pagdakip sa suspek dakong alas-4:00 ng umaga sa Barangay Cembo, Taguig City.
Sa ikinasang operasyon ay nakumpiska ng mga operatiba ng SDEU ang 60 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱408,000.
Bukod sa nakumpiskang shabu ay narekober din ng mga operatiba sa posesyon ng suspect ang isang kulay asul na pouch at ang ₱500 buy-bust money na ginamit sa operasyon na nakapatong sa anim na tig-₱1,000 boodle money.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Taguig City police. James I. Catapusan