MANILA, Philippines – Magpapatupad ng diskwento sa toll ang mas maraming expressway para sa mga public utility vehicle (PUVs) simula Marso 23, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa mga awtoridad, ipatutupad ang mas mababang toll rates sa ilang pangunahing expressway.
Sa Manila-Cavite Toll Expressway (CAVITEX), magiging P39 para sa Class 1, P78 sa Class 2, at P117 sa Class 3.
Sa R1 Expressway Extension, itatakda ang P88, P176, at P264 para sa Classes 1 hanggang 3, habang sa Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX), magiging P23, P47, at P70 ang singil.
Sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), aabot naman sa P600 ang bayad sa Class 1, P1,200 sa Class 2, at P1,800 sa Class 3 sa rutang Tipo hanggang Tarlac.
Ikinatuwa ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang hakbang ng mga toll operator, at sinabing makatutulong ito upang maibsan ang pasanin ng mga nasa sektor ng transportasyon.
“Nagpapasalamat tayo sa mga toll operators dahil malaking tulong itong mga discount para sa ating mga PUV drivers. Alam natin ang hirap na dinaranas ng transport sector araw-araw,” aniya.
“Kaya tuloy-tuloy lang tayo sa pagpapatupad ng mga programang direktang makatutulong sa kanila,” dagdag pa niya.
Ang mga bagong diskwento ay kasunod ng naunang anunsyo ng dalawang buwang bawas-toll para sa mga PUV, bus, at freight vehicles sa mga pangunahing expressway tulad ng NLEX, SLEX, at STAR Tollway. Dave Baluyot