Home NATIONWIDE Toll rebate sa NLEX tinapos na

Toll rebate sa NLEX tinapos na

1
0

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation na tapos na ang toll rebate para sa mga motoristang dumaraan mula San Fernando, Pampanga patungong Pulilan, Bulacan ngayong Miyerkules, Setyembre 9.

Ito ay matapos na mabuksan na ang lahat ng mga apektadong bahagi ng tollway sa San Simon, Pampanga na kamakailan ay isinara dahil sa mga pagbaha.

“Wala na pong tubig dito sa expressway ngayon. All lanes are now passable. Ang ating mga motorista ay mabilis nang makakabiyahe papuntang north at papuntang Manila,” sinabi ni NLEX Corp. President Luis Reñon sa inspeksyon kasama si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.

Tumutulong ang DPWH sa paglalagay ng metal sheet piles at modular flood barriers mula pa noong nakaraang linggo matapos magdulot ng perwisyo sa mga motorista ang pagbahang naitala sa nasabing lugar.

Nakaabang naman ang mobile water pumps habang nagpapatuloy din ang dredging operations sa Tulaoc River.

Ani Dizon, kumpiyansa siyang ang mga hakbang na ito ay poprotekta sa naturang kalsada sa mga pagbaha sa hinaharap.

“Between NLEX, DPWH, DOTr (Department of Transportation), and San Miguel, I think we are quite confident na mapo-proteksyunan na natin yung NLEX in the event na lumakas uli yung ulan. Para hindi na maulit yung nangyari nung nakaraang linggo,” sinabi ni Dizon.

“Hindi naman po ang solusyon dito ay itaas lang nang itaas ang ating expressway, kasi pag patuloy nating tinaas ang kalsada, mas lalo pong mababaha ang ating komunidad,” sinabi naman ni Reñon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here