ILAGAN CITY, Isabela – Wala ng buhay ng matagpuan ang isang tomboy na pinatay at ginahasa pa umano sa Centro San Antonio, Ilagan City, Isabela.
Kinilala ang biktima si Gee Ann Morine Cabansag, 40-anyos, isang security guard.
Una rito, hapon nitong Miyerkules, Hulyo 31, 2024, nang iulat ng pamilya ng biktimang si Cabansag ang pagkawala nito
Dahil dito, agad nakipag-ugnayan ang mga otoridad sa live-in partner ng biktima, lumalabas na natawagan pa ito sa kaniyang cellphone ngunit isang lalaki ang sumagot at inutusan pa aniya ito na sunduin na si Cabansag sa isang core shelter ngunit hindi na ito nagpunta.
Ilang oras ang lumipas ay napansin ng kinakasama ng biktima na tadtad ang cellphone nito ng tawag mula kay Cabansag kaya’t nagreturn call ito. Nagawa umanong sumagot ng biktima ngunit nagmamakaawa na ito at humihingi ng saklolo.
Dahil dito, nagtungo ang live-in partner sa lugar na huling namataan si Cabansag ngunit hindi na ito naabutan roon.
Nagpasiya ang live in partner ng biktima na magpatulung sa pulisya at mga opisyales ng barangay sa paghahanap.
Sa kasamaang palad, tumambad sa mga otoridad ang wala ng buhay na si Cabansag sa sementeryo na hinihinalang pinagsamantalahan pa.
Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, naging pangunahing suspek ang tatlong lalaking nakainuman ng biktima bago ito mawala at matagumpay na nadakip ang dalawa sa mga ito ngunit nagawang makatakas ang isa na napag-alamang mayroon kinaharap na kasong pagpatay.
Umaapela ang mga kamag-anak ng biktima sa pulisya na mahanap at mahuli pa ang isang tumakas para mapanagot sa pagpatay sa oanilang mahal sa buhay. Rey Velasco